Parang hiwalay na nga sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao.
Sa mga statement ni John Lloyd, parang hindi lang niya masabi ng diretso.
Lumabas ang interview kahapon ni John Lloyd sa ABS-CBN.com matapos itong mag-renew ng kontrata sa Kapamilya Network.
“To be honest, hindi maganda ang bagay-bagay ngayon. ‘Yon lang ang masasabi ko. Ang mga bagay ngayon, hindi magandang tignan,” sabi niya.
Pero klinaro ng aktor na walang kinalaman sa problema nila ni Shaina ang mga dati niyang girlfriend particular na si Ruffa Gutierrez na kailan lang ay sunud-sunod ang pagsagot kay Shaina matapos itong mag-text sa kanya na lubayan na sila gamit ang cell phone ng aktor.
“Hindi. Walang kinalaman. Walang kinalaman ‘yon doon. Ang ibang tao na hindi parte ng buhay namin, huwag na nating idamay. Ako na mismo ang nagsasabi, walang kinalaman si Ruffa o kahit sinong ex-girlfriend ko,” paglilinaw pa ng aktor.
“Mas gusto ko munang tumahimik hanggang sa sana ay maayos namin o mabigyan ng wakas ang kung anuman. Sa puntong ito, pinakamabuti para sa akin ang manahimik,” dagdag niya sa lumabas na interview.
Pero siniguro ng aktor na mahal pa niya si Shaina.
“Oo naman. Hindi ‘yun mawawala at mananatili lang ‘yun doon. Ayaw ko lang magbigay ng statement na makakalala. I can only hope for the best, ‘di lang sa sarili ko kundi sa aming dalawa,” dagdag niya.
Anyway, nabanggit din ni John Lloyd sa nasabing interview na muntik na siyang matukso sa offer ng ibang network.
“Nagkaroon ng offer. Medyo tempting talaga. Pinag-aralan ko at gaya ng kahit anong industriya, ito ay business... Pagkatapos ng lahat ng pag-uusap, na-realize ko na andito ako, kahit mahirap ang pinagdaanan ay enlightening naman.”
Samantala, nag-deny si Shaina sa problema niya sa mga ex ng BF lalo na kay Ruffa.
“Hindi sila naglapit ni Ruffa. Parang unfair nga for him (JLC) na binibigyan na naman siya ng ganung impression. Actually, hindi sila naglapit. We are with my ate (Vina Morales) so hindi siya lumapit. He was beside me the whole time,” say ni Shaina sa The Buzz last Sunday.
So kung walang problema si Shaina bakit kaya nag-text pa siya kay Ruffa.
Si Ruffa ang nag-confirm tungkol sa nasabing controversial messages ng GF ni John Lloyd nang mag-tweet siya tungkol dito last week pa.
“Well, she did send some messages,” pagkumpirma ni Ruffa sa interview sa kanya sa Paparazzi last Sunday.
“She was using John Lloyd’s phone. Kasi there was this private number that was texting me.”
“Direct insults came. A lot of curse words, things like that,” dagdag ni Ruffa sa interview tungkol sa mga text messages ni Shaina after magkita-kita sila sa concert ni Vina Morales last week.
Pero ‘yun nga nag-sorry naman sa kanya ang aktor na nakarelasyon din niya sandali.
“The following day, at nine in the morning, tumawag sa akin si John Lloyd and he said, ‘I’m very sorry for what happened last night. May mga problemang nangyari. But I apologized kasi hindi ka dapat madamay.”
“So, it’s very clear na wala akong kinalaman kung anuman ang pinag-awayan nila at nadamay lang ako,” sabi pa ni Ruffing sa mahabang interview niya.
Panalo ng maasinhon trio, ipino-protesta?
Wagi ang male singing group na Maasinhon Trio sa Pilipinas Got Talent matapos itong manguna sa botohan sa ginanap na grand finals ng talent-reality show last Sunday sa Ynares Sports Center.
“Sobrang saya namin. Napatunayan namin ngayon na wala talaga sa edad ang pagkakaroon ng talento,” sabi ni Andrew Sanchez member ng grupo.
Nakuha ng Maasinhon Trio, na siya ring pinakamatandang grand winner ng PGT, ang 22.59% sa kabuuang text at online votes. Pumangalawa ang 15-anyos na singer na si Khalil Ramos na may 18.64% at pumangatlo ang acoustic singers na Bringas Brothers na may 14.03%.
Mula pa sa Maasin City sa Southern Leyte, si Andrew kasama ang kagrupong sina Bonifacio Salubre at Licinio Lolo ay nanalo ng P2 million na grand prize at gumawa ng kasaysayan bilang pinakaunang act mula sa Visayas.
Samantala sa isang statement, sinabi ni ABS-CBN Corporate Communications Head Bong Osorio. Ang mga mananalo sa Pilipinas Got Talent ay pinipili base sa bilang ng text at online votes na kanilang matatanggap sa grand finals. Lahat ng 12 grand finalists ay pawang biniyayaan ng angking talento at karapat-dapat manalo ngunit sa huli, ang Maasinhon Trio ang siyang nakakuha ng pinakamaraming boto mula sa publiko na sinundan ni Khalil Ramos at ng Bringas Brothers,” bahagi ng statement ni Mr. Osorio.
Marami kasing nagpo-protesta sa pagkapanalo ng tatlo. Wala raw silang star value at malayong sumikat tulad ng mga naunang nanalo na sina Jovit Baldivino at Marcelito Pomoy.