Kasalukuyang nahaharap ngayon si Precious Lara Quigaman sa reklamo ng isa ring beauty queen na si Sherylee Sustiguer. Si Sherylee ang kauna-unahang nanalo sa Turismo Pilipina noong 2008 na inorganisa ni Lara kasama pa ang ilang kaibigang beauty queens na sina Karen Agustin at Denille Lou Valmonte.
Napanalunan ni Sherylee sa nasabing pageant ang isang house and lot sa isang subdivision sa Tarlac, P250,000 na cash, at isang replica ng official crown ng Turismo Pilipina.
Tatlong taon na ang nakalilipas ay hindi pa raw kumpleto ang prizes na ipinangako kay Sherylee. Agad namang hinarap ni Lara ang isyu bilang chairperson ng Turismo Pilipina.
“Meron kaming problema with the sponsor, na for some reason, hindi pa nila nire-release. Baka akala nila, ako o kami ’yung kumuha, nag-hoard ’yung partners ko. I told Sherylee to talk to me. For some reason, she hasn’t communicated with me at all,” paglilinaw ni Lara.
Kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa ngayon ang winner sa Turismo Pilipina kaya agad sinagot ng tiyahin nitong si Marilyn Rebadulla ang naging pahayag ni Lara.
“I would like to confirm that up to now, we have not received the prize. The house and lot and mayroon noong P250,000 cash, ang tagal. ’Tapos ’yung replica raw ng crown wala. Hindi ko lang nagugustuhan ’yung hindi kami nagko-communicate sa kanya. We tried communicating, never naman sila nag-reach out sa amin,” seryosong pahayag ng tiyahin ni Sherylee.
Sa puntong ito ay nagdemanda na ang kanilang kampo para maresolba ang kanilang problema. “May received copy na sila na nag-demand na kami kasi puro verbal. Walang patutunguhan right then na na-receive nila ’yung copy. We are expecting na magre-respond sila sa lawyer, wala. Ang akin lang naman diyan, kung ano ang sabihin mo, panindigan mo. Nagtayo ka ng ganyan na prestigious na pageant, ’tapos wala lang. Walang napatunguhan,” pagtatapos ni Mrs. Rebadulla.
Ronnie sinisira sa OMB
Dalawang taon nang nanunungkulan ngayon bilang chairman si Ronnie Ricketts sa OMB o Optical Media Board na kilalang ahensiya ng gobyerno na pumipigil sa pagkalat ng film piracy sa bansa. Bago pa naging chairman si Ronnie ay minsan na ring naupo sa puwesto sina Edu Manzano at Sen. Bong Revilla, Jr.
Ngayon ay may ilang mga alegasyon at paninira ang kinasasangkutan ng kasalukuyang OMB chair. Kumalat sa Internet kamakailan ang ilang isyung ibinabato kay Ronnie at ng nasabing ahensiya. Una na rito, ang diumano’y korapsyon sa loob ng kanilang opisina. May 127 kahon daw ng mga DVD at VCD copies na nakumpiska mula sa mga Chinese nationals ang nawala noong May 2010.
Agad namang hinarap ni Ronnie sa kanyang opisina ang nasabing isyu.
“Ito nga ’yung nawawala, it’s all here. It’s all accounted here, sobrang misinformation,” pahayag ni Ronnie na ipinakita ang mga kahon.
May isyu rin na diumano’y tumatanggap ang aktor ng P250,000 dalawang beses sa isang buwan mula sa mga nahuhuli ng OMB men.
“Excuse me, kalokohan iyan. It’s too much already. Sinisira na ’yung reputasyon mo, sana you look at the character of the person first before ka mag-judge,” giit pa ni Ronnie.
Naniniwala siyang isang malaking plano ng paninira laban sa kanya ang mga alegasyon.
“Number one, marami kang nasasagasaan. That’s the reality here. Number two, siguro may gustong pumasok, gawan ako ng istorya.
“Let’s just be fair. Meron akong nabalitaan eh, pero ako kasi ’yung tao na hindi ko idya-judge siya. Kapag pinag-aralan mo talaga, pattern talaga eh. Unang upo ko pa lang meron na kaagad,” kuwento pa ng chairman. — Reports from JAMES C. CANTOS