Tiniyak ni Jinkee Pacquiao na lilipad siya sa Amerika para suportahan ang laban ng kanyang asawa kay Juan Manuel Marquez sa Nov. 12.
Marami ang natuwa sa desisyon ni Jinkee dahil hindi siya nagpaapekto sa mga intriga tungkol sa pagsasama nila ni Congressman Manny Pacquiao.
Kahit may mga babae na nali-link kay Manny, si Jinkee pa rin ang legal wife dahil siya lamang ang babaeng pinakasalan ni Manny. Walang puwedeng makaagaw ng kanyang korona bilang Mrs. Manny Pacquiao.
Knowing Jinkee, magsasalita rin siya sa tamang panahon tungkol sa panibagong challenge sa relasyon nila ni Manny.
Type si Jinkee ng media dahil sumasagot siya kapag tinatanong tungkol sa mga personal na bagay.
Dapat maintindihan ng mga tao ang posisyon at sitwasyon ni Jinkee. Hindi madali sa kanya ang magpasya na magsalita o patulan ang mga intriga dahil kailangan niya na pag-isipan ang mga statement na ilalabas or else, baka may ibang mga tao na madamay.
Bilang ilaw ng tahanan, responsibilidad ni Jinkee na protektahan ang kanyang asawa at mga anak.
Sharon lumutang sa TV5?
Wala pa si Shalani Soledad sa Araneta Coliseum nang puntahan ko siya noong Biyernes.
Hindi pa nakakapag-rehearse ang konsehala at ang ibang mga guests sa Wiltime Big Time dahil hindi pa tapos ang construction ng malaking stage nang dumating ako.
First time ko na nakakita ng maraming workers sa loob ng Araneta Coliseum. Para silang mga langgam na lakaran nang lakaran at hindi nawawalan ng ginagawa.
Nakipagkuwentuhan na lang ako kay Arlene Tolibas sa backstage ng Araneta Coliseum nang malaman ko na hindi pa makakarating si Shalani.
Si Arlene ang floor director ng game show at kasama siya sa mga tumutulong sa pagbabalot sa goodies na ipamimigay sa audience na nanood ng kanilang live anniversary show.
Walang tulog si Arlene at ang kanyang mga kasama dahil hindi biro ang magbalot ng bigas at mga giveaways para sa labinlimang libong katao.
Si Sharon Cuneta ang sinasabi na surprise special guest sa anniversary show kahapon ng Wiltime Big Time. Kung natuloy ang guesting ni Sharon sa show ng TV5, siguradong mabubuhay uli ang tsismis na malapit na ang pag-o-ober da bakod niya sa Kapatid Network.
Aljur day effect ang taping pero gabi na nang dumating
Hindi nakunan ang mga eksena ni Aljur Abrenica sa Amaya noong Biyernes dahil na-late siya nang masiraan ang kanyang sasakyan habang papunta sa location.
Day effect ang mga eksena ni Aljur at madilim na nang makarating siya sa set ng Amaya sa Pagsanjan, Laguna.
Kahit late siya, nagpakita pa rin si Aljur sa set at nagpalipas ng trapik, bago umuwi. Pagpapakita ng professionalism ang ginawa ni Aljur dahil tumuloy pa rin siya sa location, kahit alam niya na malaki ang possibility na hindi makunan ang kanyang mga eksena.