Malaking pasasalamat ni Kim Chiu sa Kapamilya Network dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay makakasama niya sa isang pelikula ang Star For All Seasons na si Vilma Santos. “Siyempre nagpapasalamat ako na nandito pa rin ako sa ABS-CBN dahil inaalagaan nila ako at sa tiwala na ibinibigay nila sa akin. Kaya tama na lang ibigay ko ’yung best ko sa bawat project na binibigay nila,” pahayag ni Kim.
Kailan man ay hindi sumagi sa isip ni Kim na lumipat sa ibang network dahil sa ABS-CBN siya nagsimula at nakilala.
“Sa mga artists na lumilipat ng network, wala akong masasabi. Basta ako, gusto ko kung saan ako nagsimula, doon lang talaga ako. Siyempre utang ko sa kanila kung nasaan man ako ngayon. Masaya ako na maging isang Kapamilya,” dagdag pa ni Kim.
Masayang-masaya rin ang young actress dahil sa tagumpay ng kanyang teleseryeng My Binondo Girl. Nabalitaan din ni Kim na maging si Gerald Anderson ay napahanga niya dahil sa magaling niyang pagganap ng dual role (lalaki at babae) sa nasabing serye. Sinabi rin ni Gerald na mas guwapo sa kanya si Kim bilang lalaki.
“Talaga? Sinabi niya ’yun? Ano ba ’yan? Siyempre si Budoy siya, so, mas guwapo talaga si Yuan (lalaking role ni Kim) pero kung bilang Gerald, siyempre mas guwapo naman siya,” natatawang sagot ni Kim.
Malaki ang pasasalamat ni Kim sa lahat ng kanyang mga tagahanga dahil sa patuloy nilang pagsuporta sa dalaga.
“Isa sa mga nagbibigay sa akin ng strength at inspiration ’yung suporta ng tao. Masaya ako dahil kung hindi dahil sa kanila, hindi gaganda ’yung rating ng show ko. Thank you sa lahat ng sumusuporta sa akin. Mahal ko kayo,” pagtatapos ni Kim.
Cristine lilipat?
Sobrang successful ng pelikulang No Other Woman nina Anne Curtis, Derek Ramsay, at Cristine Reyes kaya naman hanggang ngayon ay palabas pa ito sa mga sinehan. Samantala, may bulung-bulungan na malapit nang lumipat ng network si Cristine.
“Naririnig ko pero tingin ko hindi naman ako lilipat. Hindi nakarating sa akin through Viva. Nakarating sa akin sa mga tweets. Siyempre magkakaroon muna ng discussion tungkol dun if ever. Mabait naman ang Viva eh, kung saan mas masaya ’yung alaga, doon sila.
“Siyempre mahirap namang magtrabaho kung alam mong ayaw mo magtrabaho sa kung saan man ’di ba? Siyempre kung saan ka mas komportable, saan ka mas nabibigyan ng magandang project at maa-appreciate ka ng mga tao, doon ka. Happy ako,” pagtatapat ni Cristine. — Reports from JAMES C. CANTOS