Kabaklaan nina Paulo at Rocco ipapalabas na

MANILA, Philippines - Matapos magkaroon ng mga sold-out screenings at umani ng papuri sa nakaraang Cinemalaya Philipppine Independent Film Festival ang pelikulang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, ipalalabas na ito sa mga sinehan sa Oktubre 26. Mapapanood na sa big screen ang husay at natatanging pagganap ng mga bidang sina Paulo Avelino, Rocco Nacino, at Ms. Jean Garcia.

Umiikot ang kuwento sa relasyon ng tatlong characters na sina Marlon (Paulo), Dennis (Rocco) at Karen (Jean). Dahil may gusto si Marlon sa kanyang college professor na si Karen, susundan niya ito. Malalaman ni Marlon na dance teacher din pala ito. Babalakin ni Marlon na magpasikat sa pagsayaw kay Karen. Magpapatutor si Marlon sa kanyang kaklase na si Dennis. Tututuruan siya ni Dennis na lingid sa kaalaman ni Karen. Dito magiging mas kumplikado ang lahat dahil sa kanilang lihim na pagtatagpo, mapapamahal si Dennis kay Marlon nang higit pa sa isang kaibigan. Ang problema, hindi naman masuklian ni Marlon ang pagtingin sa kanya ni Dennis.

Mapupukaw ang inyong mga imahinasyon, kikiligin kayo at mamamangha sa kakaibang love triangle na ito. Lalo pang pinatingkad ang kuwentong ito ng mga awitin sadyang ginawa para sa pelikula na siya namang sasayawin nang napaka-sensual nina Jean, Paulo, at Rocco.

Nang ialok ng producer na sina Alem Ang at direktor Alvin Yapan ang project kay Jean, mabilis na pumayag ang aktres dahil sa ganda at kakaibang aspeto ng materyal. “As an actor, bihira kang makakuha ng ganitong script so bakit mo palalampasin? Pinagdasal ko na lang at binigay ko ang commitment ko dito sa project.”

Matindi ang rehearsals at ilang araw rin nag-shooting ang cast sa Far Eastern University na main location nila. “Hindi talaga ako dancer pero napasayaw nila ako!” sabi ni Paulo na first-time din sa indie at first time gumawa ng gay film. 

 Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ay Rated PG-13 ng MTRCB at Graded A ng Cinema Evaluation Board (CEB).

Nanalo ito ng Best Cinematography at Best Music sa 2011 Cinemalaya. 

Show comments