Halos matunaw sa papuri ng press si Janice de Belen matapos ang red carpet advanced screening ng unang linggo nang pagpapalabas ng bagong serye ng ABS-CBN na Budoy. Si Gerald Anderson ang bida sa nasabing palabas at bagama’t pinahanga niya ang lahat sa kahusayan niya sa pagganap kay Budoy, hindi nakaligtas sa mapanuring pansin ng mga nanonood ang pambihirang pagganap ng comebacking actress sa bakuran ng Kapamilya Network. Ibinalik niya ang galing na ipinamalas ni Budoy/Gerald at magkasama nilang dadalhin ang kuwento ng isang kabataang lalaki na mentally challenged, mayroong mild retardation, para mabigyan sila ng karampatang pang-unawa at pagmamahal ng kanilang kapwa.
Nakakaiyak ang kuwento ni Budoy na isinilang sa mayamang angkan ng mga doktor pero dahilan sa kanyang kapansanan ay kinailangang itago para hindi makapagbigay ng kahihiyan sa pamilyang kanyang dinatnan.
Ang laki na ng iniunlad ng pagdidirek ni Ruel Bayani na ang No Other Woman ay kasalukuyan pa ring nagpapanhik ng pera sa box office. Kung ang supporting cast niya, ’yung mag-asawang nangalaga sa anak ng character ni Mylene Dizon ay napaarte niya, sina Tirso Cruz III, Zsa Zsa Padilla, Christian Vazquez, Barbara Perez, Gloria Sevilla, Mel Kimura, at Dante Rivero pa kaya ang hindi?
Ang galing na ring magkontrabida ni Enrique Gil. Naiintindihan ko kung bakit natatakot siya na baka kahit tapos na ang serye ay hindi pa rin nawawala ang galit sa kanya ng manonood.
Kung sa akala ko ay magaling na si Gerald sa Tayong Dalawa na dinirek din ni Ruel, hintaying makita siya bilang Budoy at talagang mamamangha kayo sa ipakikita niyang husay sa pagganap ng isang autistic. Sabay n’yo siyang kaaawaan at mamahalin. At sigurado ako, sisigaw kayo ng “foul” kapag hindi siya nanalong best actor para sa kanyang role na Budoy sa susunod na TV awards season.
Mapapanood ang Budoy simula sa Lunes na, Oct. 10, pagkatapos ng 100 Days to Heaven at bago ang My Binondo Girl.
Regine at Ogie hindi kukuha ng yaya
Paano ba mababalikan ni Regine Velasquez ang kanyang showbiz career kung ganyang hindi pala siya kukuha ng yaya, siya mismo ang mag-aalaga ng kanyang baby boy na isisilang via caesarean in November?
Hindi mo naman siya masisi dahil sa kanyang edad ay ngayon lamang siya magkakaanak kaya sasamantalahin na niya ang pagkakataon para maging hands-on mom.
Mahihirapan din siyang balikan ang kanyang trabaho since balak niyang I-breast feed ang baby niya.
Excited lang sila ni Ogie Alcasid take care of Nathaniel James, kaya kahit mahirapan sila na silang dalawa lang ang mag-aalaga sa anak nila, okay lang sa kanila.