MANILA, Philippines - Ngayong Sabado alas-onse ng umaga’y kakaibang panoorin ang handog ng Life and Style with Gandang Ricky Reyes dahil ang itatampok ay mga sikat na Thai personality.
Tuwang-tuwa si Mader Ricky dahil nakadaupang-palad niya ang Thai superstar na si Atita. Sinamahan pa siya ng sweet at mabait na aktres sa iba-ibang pamilihan at nag-demonstrate pa ito ng mga paborito niyang recipe na inihahanda tuwing may mga kaibigang dumadalaw sa kanya. Siyempre pinasampol ni Atita ang ating beauty gurung host-producer ng mga pagkaing ‘yon.
Gagaygayin ni Mader RR ang mga kalyeng pamoso sa mga street food at tutuklasin niya mula sa mga tindero’t tindera kung bakit halos lahat ng mga ‘yon ay super-anghang. Ipakikita pa niya ang mga putaheng Bicol na tulad ng Thai food ay nilahukan ng siling labuyo kaya makasunog-dila.
Tutukan pa ang interbyu sa host ng isang healthy food talk show na si Bobby Kitichaiwong at Bryan Lee na kilala bilang Food Detective ng kanyang mga manonood sa telebisyon.
Unti-unti’y kinagigiliwan ang bagong segment ng programang Dental Duo na ang hosts ay sina Dr. X at Dr. Y. Ang tatalakayin nila ngayo’y ang mga proseso para ayusin ang mga ngiping baluktot at abnormal ang tubo.
Napapanood ang Life And Style With Gandang Ricky Reyes sa GMA News TV tuwing Sabado alas onse ng umaga. Produksyon ito ng ScriptoVision.