MANILA, Philippines - Mapapanood ngayong Linggo (Oct. 9) sa Sunday’s Best ng ABS-CBN ang matagumpay na Toni @ 10 concert ni Toni Gonzaga.
Saksihan kung paano nagbalik-tanaw, nagpasalamat at ipinagdiwang ng Ultimate Multimedia Star ang sampung taon niya sa industriya ng showbiz.
Tampok din sa Toni @ 10 ang mga kaibigan at katrabahong naging malapit sa puso ni Toni at naging bahagi ng kanyang isang dekadang showbiz career.
Dumalo sa concert sina Piolo Pascual, Sam Milby, John Lloyd Cruz, Vhong Navarro, Pokwang, Alex Gonzaga, at Gary Valenciano.
Sa ilalim ng direksiyon ni Johnny Manahan at musical direction ng kilalang composer, arranger and producer na si Jimmy Antiporda, and Toni @ 10 ay produksiyon ng Star Events, Epic Entertainment at Tag Concept.
Tinagurian si Toni na ultimate multimedia star dahil sa five-chart topping albums niya na, Love Duets, Love Is, Falling in Love, You Complete Me, at ang kanyang pinaka-bagong self-titled album na Toni Gonzaga.
Pinasok ni Toni ang mundo ng showbiz sa edad na 13 sa pagsali sa mga singing contest. Ngunit higit siyang nakilala matapos ang kanyang I love you, Piolo softdrinks commercial kung saan nakasama niya ang Ultimate Heartthrob na si Piolo.
Naging mainstay host siya sa Eat Bulaga at nang lumaon ay lumipat sa ABS-CBN noong 2005 kung saan una siyang lumabas sa comic news program na Wazzup Wazzup.
Mula sa pagiging host, sinabak ni Toni ang pag-arte at ang recording.
Tampok siya sa mga pelikulang, Pakners (2003), D’ Anothers (2006), You Are The One (2006), You Got Me (2007), My Big Love (2008), My Only You (2008), A Journey (2009), Ang Tanging Pamilya: A Marry Go Round (2009), My Amnesia Girl (2010), at Wedding Tayo, Wedding Hindi na ipinalabas ngayong taon.