Venue ng concert nila Sarah ginawang evacuation center!

Hindi tuloy ang concert ng pinaka-favorite kong singer na si Sarah Geronimo kasama si Martin Nievera sa Bulacan ngayong araw. Siyempre, kung may dapat sisihin, si Pedring ‘yun. Si Pedring na maraming kinitil na buhay at pinerwisyong kabuhayan ng ating mga kababayan.

Ginawa raw evacuation center ang venue ng concert sana nina Sarah at Martin.

May announcement ang Viva Concert and Events kung kailan itutuloy ang What Love Is concert ng dalawa sa Bulacan.

Teka, taga-Viva na ba si Martin?

Napapansin ko ha, parating ang Viva ang producer ng mga concert niya.

Tatawagan ko si Boss Vic para malaman ko ang tumpak na kasagutan.

Maraming pinoy apektado sa pagkamatay ni Steve Jobs

Ang bongga talaga ng mga Pinoy. Kahapon, talagang sobra-sobra ang lungkot ng marami dahil sumakabilang buhay na si Steve Jobs.

Kilala ko ba si Steve Jobs? Hindi masyado ang sagot ko. Naririnig ko lang ang pangalan niya pero hindi kami friends para iyakan ko ang pagkawala niya. Pero ang marami, talagang lungkot na lungkot na parang kapit-bahay lang nila ang namatay.

Si Steve ang co-founder ng Apple na nag-resign last August sa kumpanya na gumawa ng Mac computers at kung anik-anik pa.

Hindi ako masyadong familiar sa mga Mac book na ‘yan. Basta ang alam ko lang, marami akong natanggap na mga regalo na apple ang tatak na ipinadadala ko sa apo ko.

Pero meron naman akong isang ginagamit, ang iPad na pinalagyan ko nang maraming pelikula at pinanonood ko tuwing maga-abroad ako.

Ricky Reyes feel na feel ang pagiging ‘Ina’

Marami ang nakakakilala kay Ricky Reyes bilang isang magaling na celebrity hairstylist. Pero bukod sa pagiging eksperto sa larangan ng hairdressing, nakilala na ring parang “ina” si Ricky dahil sa napakarami niyang natulungan. Kaya tinatawag na talaga siyang Mother Ricky kahit saan.

Alam n’yo bang kasali siya sa listahan ng Forbes na 48 Heroes of Philanthropy in the Asia-Pacific Region nung isang taon lang? Matagal na kasing nahihilig si Mother Ricky sa mga kawanggawa partikular na ang CHILD (Center for Health Improvement and Life Development) Haus. Ang pagtulong sa mga mahihirap na batang may sakit ang nagbigay sa kanya ng karangalan sa Forbes.

Taong 1975 nang itayo niya ang vocational-technical school na Ricky Reyes Learning Institute (RRLI) para sa mga hindi makapag-college.

Alam ni Mother Ricky ang pakiramdam ng mahihirap dahil dumanas din siya sa kahirapan noon. Hindi nga siya napaaral sa kolehiyo ng kanyang ina. Pero nagsumikap siya at hindi nagtamad-tamaran at umasa lang kung kanino.

Say nga ni Mother Ricky, “It’s about teaching men to fish.”

Sa ngayon, tutok din ang hairstylist-entrepreneur sa mga branches ng kanyang Gandang Ricky Reyes salon.

Gourmet ending na

Huling cook-off na pala sa Gourmet ngayong Biyernes sa GMA 7.

Sa finale tampok sa afternoon Koreanovela ang isang cook-off na maghuhusga kung sino ang mag­ma­may-ari sa traditional Korean restaurant ng pamilya ni Patrick.

Pagkamatay ng ama-amahang si Chef Oh, desidido si Patrick na hindi isuko ang ownership ng kanilang Woo Nam Jung Restaurant, na nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon ng Oh Family.

Nagmungkahi si Mr. Matsumoto, ang taong nagnanais na makuha ang restaurant, na daanin sa isang cook-off ang pagdedesisyon kung sino ang magiging bagong may-ari nito. Kapag sila Patrick ang nanalo, mananatiling sa kanila ang restaurant. Ngunit kapag natalo sila, magiging kay Mr. Matsumoto ang Woo Nam Jung at magta-trabaho sa kanya si Patrick.

Maprotektahan kaya ni Patrick ang pamana ni Chef Oh sa pamilya? O magtatagumpay si Mr. Matsumoto sa pag-angkin sa sikat na Woo Nam Jung restaurant? Hanggang kailan matitiis na hindi tulungan ni Robert ang kanyang adoptive brother dahil sa inggit at galit?

Kaya panoorin n’yo ang cook-off na magwawakas sa kuwento ng isang simpleng tao na labis ang pagpapahalaga sa pamilyang umampon sa kanya.  

Mapapanood ito ngayong Biyernes pagkatapos ng Kung Aagawin Mo ang Langit siyempre sa Kapuso Network.

Show comments