MANILA, Philippines - Muli na namang nakakuha ng nominasyon ang ABS-CBN sa International Emmy Awards para sa teleserye nitong Precious Hearts Romances Presents Impostor, kung saan inilahad ang kuwento ng isang probinsiyanang napilitang kunin ang anyo at buhay ng isang sikat na modelo.
Ayon sa website ng prestihiyosong award giving body, makakalaban ng Impostor sa Best Telenovela category ang pambato ng Argentina na Contra las Cuerdas, Destiny River ng Brazil, at Lacos de Sangue ng Portugal.
Tanging ang ABS-CBN lamang ang media company na nakakuha ng International Emmy nomination sa taong ito. Ang primetime newscast nito na TV Patrol ay nakakuha rin ng nominasyon para sa Best News category para sa coverage nito nang naganap na Manila hostage crisis noong Agosto 2010.
Tampok sa PHR: Impostor sina Maja Salvador, Melai Cantiveros, Jason Francisco, at Sam Milby. Ito ay sa ilalim ng mga director na sina Jerome Pabocan at Neal del Rosario.
Marami nang nakuhang nominasyon sa International Emmy ang ABS-CBN para sa mga programa at aktor nito sa mga nakaraang taon.
Ang International Emmy Awards ay ibinibigay ng International Academy of Television Arts and Sciences (IATAS). Gaganapin ang naturang parangal mula 18-21 November 2011.
Kauna-unahang Miss World Philippines nagpa-party!
Nagdaos ng isang thanksgiving party ang Miss World Philippines 2011 winner na si Gwendolyn Ruais, sa penthouse ng Midas Hotel, Manila noong Biyernes (September 30).
Isang gabi ng cocktails at acoustic music, ang naturang kasiyahan ay dinaluhan ng mga Filipino at foreign guests na malapit sa puso ng unang Miss World Philippines Pageant winner.
Nabanggit din niya na isang thanksgiving party ang hiniling ni Gwen nang tanungin ito kung ano ang gagawin nito sa premyong Php1,000,000.00.
Sa pagtatapos ng kanyang speech, naging emosyonal si Gwen habang nagpapasalamat sa kanyang mga magulang na sina Vincent at Malou Ruais at sa mga kapatid na sina Gwennaelle at Thibaut. Ipinangako niyang gagawin niya ang lahat “to make this country proud…and bring back the crown.”
Ang unang Miss World Philippines Pageant ay umere sa GMA 7 noong September 18. Samantala, ang international pageant ay gaganapin sa London, England sa November.