Muli na namang namamayani ang bayanihan sa ginagawang pagtulong natin sa mga kababayan natin na naging biktima nina Pedring at Quiel. Habang sinusulat ko ito ay tumatayo pa rin ang mga balahibo ko dahilan sa lumipas na ang maraming araw pero marami pa rin ang hindi nare-rescue sa kanilang mga bubungan.
Marami sa kanila ang tumatangging iwan ang kanilang mga bahay sa takot na baka wala na silang mabalikang mga mahahalagang gamit na nasa loob ng bahay. ’Di baleng mabasa ang mga gamit huwag lang tuluyang mawala.
Sa mga nagbibigay ng mga gamit nila, huwag naman po kayong magbigay ng mga damit na pang-party tulad ng Barong, gown, o cocktail dress. Kailangan po ay mga T-shirt, shorts, tuwalya, kumot, banig, tsinelas, sapatos na walang takong, blusa, palda, pantalon, at kung anu-ano pang puwedeng pakinabangan agad.
Sa pagkain naman po ay puwedeng mga noodles, tinapay, biskwit, o ’yung hindi na kailangang iluto dahil kung nasa mga bubungan pa sila o mga evacuation centers, wala marahil silang paglulutuan, kaya kung puwede de lata na lamang at mga sinaing na. Tubig din, kailangan nila ng maiinom.
Sa pangalan ng mga nasalanta, isang taos-pusong pasasalamat ang ipinaaabot ko sa inyo. Bahala na ang Diyos na gumanti sa inyong kabutihan.
Vice kinaiimbyernahan ng marami
Bakit ba ang daming naaantipatikuhan kay Vice Ganda? Marami sa press na pumumunta sa Walang Tulugan o sa aking radio program ang nagsasabing ugali na ng komedyante ang manghiya ng kanyang kausap. Dinadaan nito sa biro ang mga sinasabi niya pero panonopla pa rin. Marami sa nakakausap nito ang ayaw na muling umulit na kausapin siya, para maiwasang mag-away pa sila.
Ang boyfriend ni Toni Gonzaga na si Paul Soriano ay balitang napikon nang makaharap ang komedyante sa nakaraang concert ni Toni sa Araneta.
Sa mga naging away niya sa Viva (Vic del Rosario) at Direk GB Sampedro, inilabas niya sa sarili niya sa kasalanan pero ayon sa nakausap ko ay posibleng sa kanya nagmula ang provocation.