Boy simula na sa Bandila!

MANILA, Philippines - Mas maaga, mas pinalawak, at mas pinalakas na ang makabayang pagbabalita sa pinagsanib na puwersa ng mga pinagkakatiwalaan sa pagbabalita simula ngayong Lunes (Oct 3) sa bagong Bandila sa ABS-CBN.

Masasagap na ang pinakasariwa at pinaka-pinag-uusapang mga kaganapan sa loob at labas ng bansa hatid pa rin ng mga respetadong anchors na sina Ces Oreña-Drilon, Karen Davila, Julius Babao, at ang bagong Kapamilya nila na si Boy Abunda kasama ang buong puwersa ng multimedia reporters ng ABS-CBN sa loob na ng 40 minuto.

Ihahatid ni Boy ang pinakabagong updates sa mundo ng showbiz, lifestyle, arts at culture.

Mas pinalawak din ang Bandila dahil hindi lang sa telebisyon ito mapapanood kundi pati sa internet. Mapapanood ito sa Pilipinas online sa pagbibisita sa bandila.abs-cbnnews.com ilang oras matapos itong ipalabas sa TV hanggang sa susunod na pag-ere ng newscast.

Habang hinihimay nina Ces, Karen at Boy ang pinakamainit na isyu sa lipunan at ang pinakamainit naman sa balita showbiz, maaaring magbigay ng reaksiyon ang mga manonood sa pamamagitan ng text messaging o sa social media networking sites tulad ng Facebook at Twitter.

Bukod sa pagbabalita, kilala rin sila sa paggamit nito ng social media para makahalubilo ang mga manonood sa pamamagitan ng Internet.

Maging sina Ces, Julius, at Karen ay aktibong gumagamit ng Twitter para rin makuha ang mga reaksiyon at pananaw ng mga manonood. Tatlo sila sa pinakasinusundang mamamahayag sa Twitter sa bansa.

Sa husay nito sa pagbabalita ay nakakuha ito ng nominasyon sa prestihiyosong International Emmy Awards noong 2007 para sa coverage nito sa Subic Rape case.

Mula Lunes hanggang Biyernes, sa bago, pinaaga, at pinahaba nitong oras pagkatapos ng Pure Love sa ABS-CBN.

Show comments