Bagong season ng Bleach ipapalabas sa GMA 7

MANILA, Philippines - Muling dadalhin ng GMA 7 ang mga manonood sa mundo ng mga Shinigami o soul reapers sa bagong season ng anime series na Bleach simula ngayong Lunes (October 3).

Ang Bleach ay tungkol sa tila karaniwang teenager na si Ichigo at sa kanyang transformation upang maging substitute Shinigami na namamahala sa daloy ng mga kaluluwa sa mundo ng mga tao at sa kabilang buhay. Siya ay may kakayahang makakita ng mga ligaw na kaluluwa at mga halimaw na hindi nakikita ng iba.

Minsan, isang Shinigami na nagngangalang Rukia ang dumating upang iligtas siya mula sa isang mapanganib na espiritu o Hollow. Labis na napinsala dito si Rukia at wala siyang ibang magawa kundi isalin ang kanyang kapangyarihan kay Ichigo.

Dahil sa taglay na kakayahang espirituwal at sa Shinigami powers ni Rukia, nagapi ni Ichigo ang kalabang Hollow at dito na nagsimula ang kanyang pagi­ging substitute Shinigami. Siya ang gumaganap sa tungkulin ni Rukia habang hindi pa bumabalik ang kapangyarihan ng huli.

Kasama ang kanilang mga kaibigan, haharapin nina Ichigo at Rukia ang mas malalakas at mapanganib na mga kalaban sa bagong season ng “Bleach”. Abangan kung ano ang nagagawa ng kanilang pagkakaibigan at pinagsanib na lakas sa pagtatanggol ng mga tao mula sa Hollows.

Ang bagong season ng Bleach ay mag-uumpisa ngayong Lunes hanggang Biyernes ng umaga pagkatapos ng Hunter X Hunter sa GMA 7.

Show comments