Nikki may trauma pa

Totoo lang ang sinabi ni Direk Wenn Deramas sa presscon ng pelikula niyang Praybeyt Benjamin starring Vice Ganda na ito ang pinakasikat na bakla sa Pilipinas. “Marami diyang komedyanteng nagbabakla-baklaan lamang pero siya ang tunay na bakla na sumikat bilang artista. Mula nung mapanood ko siya sa Punchline ay humanga na ako sa kanya. Kahit anong ipagawa ko sa kanya tulad ng training at combat scenes ay ginawa niya. Nakakatawa talaga siya at very professional.

 “He is a consummate actor. Lahat ng eksena gusto niyang nagi-excel siya. He will go a long, long way,” sabi naman ni Eddie Garcia na bukod sa isang magaling na aktor at gumaganap na lolo niya sa Praybeyt… ay isa ring mahusay na director.

Ang mga ganitong pangungusap coming from two good filmmakers ay nagpapatunay lamang kung gaano kahusay ang nagsimula lamang ng kanyang career sa mga sing-along bars pero ngayon ay sumi­singil na ng milyon sa kanyang mga concerts.

Nilagyan din ng sangkap ng romansa ang pelikula. Binigyan si Vice ng love interest sa katauhan ni Nikki Valdez na diborsiyada at na-trauma sa nangyari sa kasal nila ng asawang si Christopher Lina. Mas maganda ito ngayon at tipong naka-move on na sa nangyari sa kanyang marriage.

 “Masaya na ako. I’m at peace now, nagkaayos na kami ng dati kong asawa. Nagkausap na kami at nagkita na rin sila ng kanyang anak,” masaya niyang sabi.

Derek Pinagnasaan

May shower scene sa pelikula si Vice at Derek Ramsay. Hindi nahiya ang komedyante na sabi­hing may naramdaman siyang kakaiba sa kanilang eksena. Mayroon din silang confrontation scene nila Eddie na kung saan hindi tawa kundi kakaibang emosyon naman ang madarama ng mga makakapanood.

Inamin ni Vice na mas kumportable na siya nga­yon sa Praybeyt…kesa nun sa Petra…

Trabaho ni Boyet hindi nagtapatan

Hindi naman pala tinapatan ng ABS-CBN ang Sa Ngalan ng Ina ng TV5 na nagtatampok kay Nora Aunor. Para hindi malito ang manonood, ang dating Sa Ngalan ng Ama ay may bagong titulo, ang Padre de Pamilya.

Wala ring magiging problema si Christopher de Leon na kasama rin sa serye ni Nora dahil tapos na ang trabaho niya sa TV5 bago niya simulan ang bagong serye naman ng Dos na magtatampok kina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Denise Laurel, Rafael Rosell, at Maricar Reyes.

Nora kinawawa sa cover ng magazine

Samantala labas si Nora Aunor sa isyu na namamagitan sa chairman ng Optical Media Board na si Ronnie Ricketts at sa isang buwanang magasin na naglabas sa cover nito ng larawan ng Superstar na may hawak ng sigarilyo. Wala raw balak mag-sorry ang editor ng nasabing babasahin dahil may permiso naman daw sila kay Nora sa paggamit nila ng larawan nito. Pero wala naman kay Nora ang problema kundi nasa kanila dahil may nauna nang regulasyon na ipinalabas ang MMDA na nagbabawal sa mga eksena o mga larawan ng mga artistang nagsisigarilyo. Obviously mali sila, kung ayaw nilang mag-sorry kahit kanino, kahit sa publiko na lamang na kinakailangan ding sumunod sa ipinagbabawal na paninigarilyo. Pero sa totoo lang, hindi magandang imahe ang ibinigay ng nasabing larawan kay Nora.

Show comments