110 bilyon ng mga Marcos uuriratin ng Krusada!

MANILA, Philippines - Para sa nakararami, ang 20 taong pag-upo sa puwesto ng dating diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos ay katumbas din ng 20 taon niyang pandarambong sa bansa. Umabot diumano sa 200 bilyong piso ang ninakaw niya at ng kanyang pamilya sa kaban ng bayan, ayon sa World Bank.

Sa ngayon, 90 bilyong piso pa lang daw dito ang nababawi ng pamahalaan, at wala ni isa sa mag-anak na Marcos ang nahatulan o nakulong sa kasong plunder. Sa katunayan, nanumbalik pa sa puwesto ang ilan sa kanila.

Muling magbabalik si Abner Mercado ngayong Huwebes (Sep 29) sa Krusada upang alamin kung saan na napunta ang sinasabing nakaw na yaman ng mga Marcos at ng mga alagad niya. Mababawi pa kaya ang nalalabing 110 bilyong piso na diumano’y kinuha nila?

Bibisitahin ni Abner ang Ilocos Norte o ang tinaguriang Marcos Country kung saan masasaksihan niya ang patuloy na katapatan ng mga Ilokano sa dating diktador.

Sa kabila ng hindi pag-amin at pag-ako ng res­ponsibilidad sa alegasyon ng pagnanakaw na ipinupukol sa kanila, muli pa rin silang iniluklok ng mga ito sa panunungkulan. Natuto na nga ba tayo sa pang-aabuso ng rehimeng Marcos?

Makinig at makiisa sa Krusada ni Abner Mercado pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Show comments