MANILA, Philippines - Out na sa market ang ikalawang solo album ng Acoustic Pop Sessionista na si Juris.
May titulong Forevermore, tampok sa all-OPM album ni Juris ang sampung kanta. Tatlo dito ay revival ng mga sumikat na love songs - Minsan Lang Kita IIbigin ni Ariel Rivera, Don’t Say Goodbye ni Pops Fernandez, at Forevermore ng Side A.
Kukumpleto sa album ang pitong original compositions kabilang ang Dreaming Away ni Charmi Rose Santos, I Believe In You ni Jude Gitamondoc, Magkaibang Mundo ni Ebe Dancel, Sabihin Mo Lang ni Trina Belamide, “ Not Like You nina Francis at Carla Concio, Kahit Di Mo Sabihin ni Jonathan Manalo, at Bliss na likha mismo ni Juris.
Bahagi rin ng Forevermore album ang dalawang tracks - If You and Me at Wishes - mula sa digitally-released album ni Juris sa Korea.
Mula nang i-launch bilang solo recording artist ng Star Records, tuluy-tuloy na ang pagbongga ng singer-songwriter na mula sa Davao. Bukod sa pagiging certified platinum artist ng bansa, kinikilala si Juris bilang unang Filipino singer na makapag-release ng album sa Korea.
Maaari ring ma-download ang mga kanta sa internet. Mag-log on lamang sa www.starrecords.ph.
Samantala, inamin ni Juris sa launching ng kanyang album na ikakasal na siya this year sa kanyang non-showbiz boyfriend.
Limang taon ang naging relasyon nila bago sila nag-decide na magpakasal.
Nakilala niya ang mapapangasawa niya sa isang gig.
Simple lang daw ang magiging kasal nila.
Unang nakilala si Juris bilang isa sa dalawang member ng MYMP.
Bossing nanguna sa pagbubukas ng SMB Oktoberfest
Mismong si Vic Sotto ang nanguna sa mga celebrities na nagbukas ng taunang San Miguel Oktoberfest Beer Festival kamakailan sa ASEANA City sa Macapagal Avenue.
Kasama rin ng TV host na kilala rin sa tawag na Bossing ang presidente ng San Miguel Brewery Inc. (SMB) na si Roberto N. Huang, ang mga SMB beauties na sina Sam Pinto at Isabelle Daza, mga hari ng bilyar na sina Efren “Bata” Reyes at Django Bustamante at mga miyembro ng Philippine Azkals football team. Dumalo rin sina Department of Tourism Secretary Mon Jimenez at Parañaque City local government officials sa pamumuno nina Mayor Florencio “Jun” Bernabe at Vice Mayor Gus Tambunting.
Kumpletung-kumpleto ang kasayahan dahil hindi lamang sa main stage ang tugtugan kundi pati rin sa iba’t ibang tent ng San Miguel Beer.
Sa kabuuan, nagpasaya sa madla ang The Dawn, Slapshock, Pepe Smith at Queenie Smith, Greyhoundz, Rocksteddy, Mayonnaise, Tanya Markova, Mocha Girls, Hatankaru, Light of Luna, Gloc 9, Dice & K9, Nyco Maka, Chilli Tees at comedy duo Moymoy Palaboy.
Kumpleto rin ang mga San Miguel Beer brands tulad ng San Miguel Pale Pilsen, Red Horse Beer, San Mig Light, San Miguel Super Dry, Cerveza Negra, San Mig Strong Ice, San Miguel Premium All-Malt at Gold Eagle Beer na matitikman sa Oktoberfest ngayong taon.
Lahat ng ito ay nanalo na ng Gold Quality Award sa Monde Awards. Inihahandog din ng SMB ang San Miguel Alcoholic Malt Beverage lemon at apple flavors, maging ang limited edition ng San Miguel Oktoberfest Beer.
Bilang espesyal na pakulo para sa Oktoberfest, mabibili ang mga beer na ito sa halagang P10 kada cup lamang.
Inaanyayahan ang lahat na dumalo sa susunod na San Miguel Oktoberfest Beer Festival sa NEPO Complex sa Angeles City, Pampanga (September 30), MEPZA Field sa Cebu (October 1), Limketkai Mall sa Cagayan de Oro City (October 14) at Paseo de Sta. Rosa sa Sta. Rosa, Laguna (October 28).
Maliban rito ay magkakaroon din ng 2nd Oktoberfest 9-Ball Open, ang Tansankatutak crown collection promo at On-the-House raids. Para sa iba pang kaalaman, bisitahin lamang ang website na www.sanmiguelbeer.com.ph.
Para sa naturang beer festival, itinayo rin ang isang tatlumpung talampakan na beer pyramid na gawa sa mahigit isanlibong beer mugs bilang simbulo ng San Miguel Beer sapul pa nung 1890.