MANILA, Philippines - Bubuo pala ng state-of-the-art studio o soundstages ang ABS-CBN Corporation bilang bahagi ng patuloy nitong pagpapalawak pa ng kumpanya at para mas lalo pang pag-ibayuhin ang kalidad ng mga programang ihahandog nito sa mga manonood.
“Ang unang soundstage ay itatayo bago magtapos ang 2012 sa San Jose Del Monte, Bulacan,” sabi ni Raul Bulaong, ang Chief Technology Officer ng ABS-CBN at responsible para sa produksiyon, post-production, animation, at transmission ng Kapamilya Network.
Ang soundstage, ayon pa kay Bulaong, ay sound proof na building kung saan ginagawa ang mga TV show at pelikula.
“Gagawa ka ng iba’t ibang lugar sa loob at pagtatabihin mo na ang lahat ng kelangang set sa mga eksena. Halimbawa mayroon kang hospital, tapos sa tabi nito may hotel lobby o opisina,” dagdag niya.
Sila ang unang local TV network na gagawa ng state-of-the-art na soundstage sa Pilipinas. Ito rin ang unang nagtayo ng state-of-the-art na mga TV studio noong 90s.
Bukod pa sa soundstages, gagawa rin ang ABS-CBN ng mga backlot o bakanteng lote na paglalagyan ng mga exterior set tulad ng kalsadang may mga gusali.
Ayon kay Bulaong, ang planong ito ng ABS-CBN ay pakikinabangan ng mga konsyumer. “Maraming mga TV show pino-produce ng ABS-CBN at ipinapalabas sa Channel 2, Studio 23, sa mga cable TV channel nito tulad ng ANC, at maging sa sinehan sa pamamagitan ng Star Cinema.”
Kapag nagbigay na ng hudyat ang National Telecommunications para lumipat na ang mga local network sa digital TV, maglulunsad ang ABS-CBN ng limang bagong channels na nangangahulugang kinakailangan ng network na gumawa ng mas maraming programa.
Marvin hindi makahindi sa pag-akting
Nakikita ni Marvin Agustin ang katotohanan sa isang pahayag ni Confucius: “Choose a job you love and you will never have to work a day in your life.”
Isang matagumpay na aktor at negosyante, tuloy pa rin ang paggawa ni Marvin ng mga pelikula at TV show, pagpo-produce ng mga concerts, at pagpapatakbo ng mga restaurants. Pero marami pa rin siyang oras para sa pamilya at iba pang plano sa kinabukasan.
Bilang restaurateur, magbubukas ng ika-siyam na Sumo Sam sa Cebu City si Marvin at ang mga kasosyo niya. Ang iba pa nilang restaurant ay John and Yoko, Mr. Kurosawa, Comrade, Johnny Chow, at ang bubuksan pa lang na Japanese buffet restaurant sa The Fort. Bago kumuha ng culinary course ang aktor ay nagsimula muna siyang waiter bago pa nadiskubre sa showbiz kaya masasabing alam niya talaga ang negosyong pinasok.
Bilang concert producer sa Futuretainment, makaka-limang big show na si Marvin ngayong taon. Matapos dalhin sa Manila sina Bruno Mars, Maroon 5, Miley Cyrus, at 30 Seconds to Mars, paparating naman ang Black Eyed Peas para sa kanilang Mall of Asia concert sa Oct. 25.
Pero kahit busy sa maraming business ventures ay hindi maka-hindi si Marvin sa kanyang first love, ang pag-arte, kapag may alok. Isang patunay ang Ikaw ang Pag-ibig, isinulat at idinirek ni Marilou Diaz-Abaya, na kasalukuyang ipinalalabas. Ginagampanan ni Marvin ang karakter ng isang pari na mamamatay sa cancer.
“This is one of the most challenging roles I’ve ever had and one that I will always be proud of,” sabi ng aktor. “I believe Direk Marilou brought out the best in me in this film.”
Naitanong sa aktor kung meron ba siyang Midas Touch, at ang tanging tugon niya ay, “Do what you love, give it your all and success will follow.”