Pinay lalaban sa Look of the Year
Kilala ang Pinoy sa pagiging mahusay sa iba’t ibang larangan kaya naman walang habas kung sumabak tayo sa mga international competitions. Ke pelikula, beauty contest, singfest, athletics, choral competition, ay kinakaya natin at usually hindi tayo nabibigo, hindi tayo umuuwing luhaan. ’Yung magandang performance ni Shamcey Supsup ay isang inspirasyon para umulit tayo ng pagsali hindi lamang sa Miss Universe kundi sa marami pang paligsahan na puwede nating iangat ang ating bansa at maging ang ating mga sarili.
Isa sa mga Pinoy na may malaking pangarap na makilala sa labas ng bansa ay ang 19 na taong gulang na estudyante ng tourism sa UST at nagngangalang Jea-Ann Finuliar, Miss ABC Urdaneta nung 2007. Si Jea-Ann ang napili para kumatawan sa bansa sa gaganaping modeling competition na Look of the Year sa Palanaxos, Catana, Italy sa Oct. 1.
Ang Look of the Year ay ilang dekada nang namamayagpag sa buong mundo. Pero ini-launch lang ito nung 2006 dito sa ating bansa ng Eventsworld-Taomina upang mangalap ng mga fresh faces. Kasama ang mga kilalang modelo na sumali sa pakontes na ito ay sina Cindy Crawford, Stephanie Seymour, at Giselle Bundchen na pawang sumikat sa buong mundo. Taun-taon ay kumukuha ang mga contest organizers ng mga kilalang celebrities sa mundo para umupo bilang judge.
Bago umalis si Jea-Ann ay nag-undergo ito ng rigid training sa modeling sa pagtataguyod ng CREWorks Asia na siya ring namahala ng kanyang round-trip ticket patungo sa fashion capital ng mundo.
Sa send-off presscon para kay Jea-Ann, inamin niya na nakararamdam siya ng pressure sa kanyang pag-represent ng bansa sa isang paligsahan na merong napakaraming contestants na mula sa iba’t ibang panig ng mundo na hindi lamang nagtataasan, kundi magaganda pa at mga mestisa. Hindi naman siya pahuhuli sa kanyang height na 5’10” at kung may “tsunami catwalk’ si Shamcey ay may signature walk din siya na hindi pa lamang niya napapangalanan.
“Nakaka-pressure dahil alam ko na malaki rin ang expectation sa akin ng mga kababayan natin at sana hindi sila ma-disappoint. Tulungan n’yo na lang ako ng dasal n’yo,” pakiusap ng magandang babae na kinukumbinse ring sumali sa Binibining Pilipinas pero ayaw muna niyang isipin dahil focused siya sa sasalihan niyang Look of the Year.
Kasama niya sa Italy ang local organizer ng Look of the Year locally na si Ovette Recalde at Jim Acosta ng Psalmstre Enterprises, Inc., ang kanyang mentor and discoverer at gumagawa ng mga produkto na iniendorso rin ni Jea-Ann, ang New Placenta, Olive C, at Scent-J perfume.
- Latest