Aga second lang sa may pinakamalaking suweldo sa TV5
Tiyak na masayang-masaya ang pamunuan ng TV5 at ng host ng Pinoy Explorer na si Aga Muhlach dahil nanguna ito sa ratings kumpara sa mga kapanabayan nitong programa sa ibang TV network nang mag-premiere ang programa last Sunday.
Samantala, gaano kaya katotoo ang balitang si Aga umano ang next highest paid talent sa bakuran ng Kapatid Network? Three-year guaranteed contract ang kanyang pinirmahan sa TV5 at first TV assignment niya sa bago niyang home studio ang Pinoy Explorer na kakaiba sa mga programang ginawa niya noon sa ABS-CBN.
Aiko at Jomari parang mga bagets na nagkaka-inlaban uli
Alam mo, Salve A., nakakaaliw ang guesting ng estranged couple na sina Aiko Melendez at Jomari Yllana nung isang linggo ng gabi sa Gandang Gabi Vice. Animo’y mga teenagers pa sila na ngayon lamang nagkaka-inlaban. Obvious sa mga kilos ni Aiko na meron pa rin itong pagtingin sa dating mister na minsan ding na-link kina Ara Mina at Pops Fernandez after their break-up.
Kung pagbabasehan ang mga ipinakita ng dating mag-asawa, masasabing meron pa rin silang natitirang pagtatangi para sa isa’t isa kahit pa naging involved na sila pareho sa ilang relasyon na nauwi rin sa hiwalayan.
May sampung taon na ring hiwalay sina Aiko at Jomari pero mananatili ang kanilang relasyon dahil meron silang anak na nag-uugnay sa kanila, si Andrei, na carbon copy ng kanyang celebrity parents.
Patrick may non-showiz gf na
Kung si Jennylyn Mercado ay may bagong love life sa katauhan ni Luis Manzano, may non-showbiz girlfriend naman ngayon si Patrick.
At least pareho na silang maligaya sa piling ng iba at ang maganda, magkasundo sila dahil sa kanilang anak na si AJ.
Mananalo sa student short films ng MMFF 2011 tatanggap ng P100,000
Hindi man taga-industriya ng pelikulang Pilipino ang bagong Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman na si Atty. Francis Tolentino, may puso at malasakit ito sa mga taga-industriya na hanggang ngayon ay unti-unti pa ring bumabangon sa pagkakalugmok since 1997.
Simula sa taong ito sa ika-37 taon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ay magbubukas na ito ng bagong kategorya para sa student short films bukod pa sa independent filmmakers na nagsimula noong isang taon.
“We must raise the awareness of Filipinos to the ‘other side’ of Philippine cinema — the indie films and original short movies created by students. We should encourage the production of these art films that showcase Filipino talents,” pahayag ni Chairman Tolentino.
Limang indie movies at sampung student short films ang pipiliin ng panel of jurors na nakatakdang ipalabas simula sa Dec. 18 hanggang 21.
Ang student short film ay hindi dapat lumagpas ng 12 minuto hanging ang indie film ay minimum of 60 minutes o maximum na 115 minutes.
Lahat ng entries ay dapat produced sa pagitan ng Enero 2010 hanggang October 2011 at kailangan isumite in DVD format na may kasamang Tagalog at English subtitles. Ang deadline for submission sa tanggapan ng MMFF ay sa Oktubre 30.
Ang mga student filmmakers ay kailangang may endorsement letter mula sa kanilang principal, dean o ’di kaya sa department head ng kanilang pinapasukang school kung saan nakasaad na ito ay official entry ng kanilang school.
Ang director ng indie film ay tatanggap ng P100,000 habang ang eskuwelahan ng best student film ay tatanggap ng P25,000. Ang audience prize ay ibibigay din sa student film na makakakuha ng pinakamalaking ticket sales.
Sa pamumuno ni Chairman Tolentino, ang MMFF ay nagbukas ng dalawang bagong kategorya, ang indie at student films.
Samantala, si Direk Mark Meily ang tumatayong chairman ng Independent Film Committee ng MMFF.
- Latest