Top 5 sa Miss World Philippines mahina sa Q&A

’Di kaya na-disappoint si Cory Quirino nang ang napiling Top 5 sa 25 na pagkagagandang dalaga sa katatapos lamang na ginanap na Miss World Phi­lippines ay talaga namang pumalpak sa question and answer portion? May dalawang nakasagot ng maayos kasama na ang nanalo ng titulo pero napakadali naman ng naging katanungan sa kanya. Muli ay nagtaka ako kung bakit wala ni isa man sa kanila ang sumagot in Tagalog. Tutal Filipiniana naman ang motif ng programa bagama’t naka-tuxedo sina Dingdog Dantes at Mark Bautista. Pati ang theme song ng Miss World Philippines na isang komposisyon ni Louie Ignacio ay may titik na Ingles. 

Kung sabagay, hindi ko masisi kung dagain sa dibdib ang mga kandidata. ’ Yung victory ni Shamcey Supsup ay talagang mahirap mapantayan. At saka ang pananalo sa mga international pageants ay hindi lamang nakasalalay sa pagiging mahusay sa lengguwahe ng mga Amerikano. Kailangan talaga ng katalinuhan.

Sam Concepcion nagpa-children’s party

Aakalain mo na isang bata ang may pa-party. You’d never think na isang grown-up man ang nagdiriwang ng kanyang ika-10 taon bilang artista. Siya si Sam Concepcion, isa sa dumaraming artist ng STAGES, isa ring Kapamilya aktor at ipinagmamalaki ng Re­pertory Philippines na gaganap bilang Peter Pan na magsisimulang mapanood sa Meralco Theater sa Sept. 30 hanggang Oct. 30. Patutunayan ng nasabing musical na si Sam ay isang prime leading man ng mga local family musicals. Bago ang Peter Pan ay nakita siya sa mga palabas na The Lion, the Witch and the Wardrobe, High School Musical, at Noah. Unang pagkakataon na mapanood sa Asya ang nasabing musical.

Ang saya ng anniversary celebration na dinaluhan ng maraming members ng entertainment media bitbit ang kanilang mga anak at apo. Talagang children’s party ang motif at dumating si Sam na naka-Peter Pan. Napuno ang isang function room ng Jollibee sa Global City ng Taguig City ng maraming bata na hindi man kilala si Sam ay kilala naman si Peter Pan. 

Bukod sa Peter Pan, kasalukuyan din siyang napapanood sa bagets show ng ABS-CBN na Growing Up), pelikula (Shake, Rattle and Roll, Way Back Home).

Kasama ni Sam sa Peter Pan sina Michael Williams bilang Capt. Hook, Tippy Dos Santos, at Cara Barredo bilang Wendy. Sina Jaime del Mundo at Menchu Lauchengco ang mga direktor. Kasama rin sa cast ang nakakabatang kapatid ni Sam na si Kevin na ka-alternate niya sa pagiging Peter Pan.

Miss Earth Philippines-Water naghihintay pa ng magandang kapalaran

Kapag nakikita ko talaga si Muriel Orais ay lagi akong nakapagtatanong sa aking sarili kung bakit nakakawala sa kanya ang titulong Miss Earth Philippines. Napanalunan niya ang Miss Earth Philippines-Water. Maganda kasi ang babaeng taga-Cebu. Mahusay ding kausap, may taglay na katalinuhan na nagamit niya para makapagtapos ng nursing. Sa kaso ni Muriel, I believe malaki ang ginawa ng tadhana.

May ibang plano para sa kanya ang Diyos at habang hinihintay niya na magliwanag kung ano ito, patuloy niyang pinangangatawanan ang kanyang tungkulin bilang Miss Earth Philippines-Water at endorser ng Miss Olive C ng Psalmstre, Inc.

Isa si Muriel na gumupit ng ribbon kasama ang kanyang discoverer na si Jaime Acosta, CEO ng Psalmstre sa grand opening ng Chic-Boy na matatagpuan sa Harrizon Plaza na pag-aari nina Ms. Emily Cabral at Ms. Tess Cabral.   

Show comments