MANILA, Philippines - Mapapanood muli ng mga Pinoy si Simon Cowell sa telebisyon sa US season ng kanyang matagumpay na singing competition na The X Factor, ngayong Huwebes (Sept. 22) at Biyernes (Sept. 23) sa Studio 23.
Magsasama ulit sina Simon at Paula Abdul bilang hurado kasama sina L.A. Reid at Nicole Scherzinger ng Pussycat Dolls para salain ang mga bago at hindi pa nadidiskubreng mga mang-aawit at tuklasin kung sino sa mga sasali ang tunay na may X factor.
Hinahanap ng The X Factor, sa pangunguna ni Steve Jones bilang host, ang susunod na singing superstar o grupo na maglalaban-laban para sa pinakamalaking papremyong ibibigay sa kasaysayan ng telebisyon— isang US $5-million Sony Music recording deal at pagkakataong magtanghal sa 2010 Superbowl ng Pepsi.
Auditions pa lamang, kinakailangan ng harapin ng mga sasali ang hamon ng pagkanta sa harapan ng isang live audience. Ang mga makakapasa sa round na ito ay sasalang na sa isang matinding boot camp para patunayan ang kanilang potensiyal na maging isang superstar.
Sunod ay pipili ang mga hurado ng ilang contestants na aabante sa susunod na level at personal nilang tuturuan at huhubugin para maging tunay na star.
“Hindi lamang mga contestants ang naglalaban-laban dito kung hindi pati mga hurado,” dagdag ni Simon.
Sasabak ang mga hurado sa huling proseso ng eliminasyon at ang matitira na ang hihiranging official finalists na magsasama-sama sa X Factor house at magtutunggali linggu-linggo sa live show kung saan ang magdedesisyon na ay ang ika-limang hurado— mga manonood.
Unang ipinakilala ang The X Factor sa UK at ito ang nagbigay-buhay sa multi-platinum album selling artists na sina Leona Lewis at Alexandra Burke. Hanggang ngayon, nanatili itong pinakamalaking talent search sa UK.
Sino kaya ang unang tatanghaling X Factor winner sa Amerika?
Huwag palalampasin ang season premiere ng pinakaunang US season ng The X Factor ngayong Huwebes (at Biyernes (6 p.m.) na mapapanood via satellite sa Studio 23. Mapapanood n’yo rin ito sa parehong gabi sa ganap na 9:30 p.m.