Sobrang saya at excited ngayon ni Maja Salvador na pumunta sa Amerika dahil naimbitahan ang pelikula niyang Thelma para sa 31st Hawaii International Film Festival na gaganapin sa Oct. 13 hanggang 23. Makakasama ni Maja sa nasabing festival ang direktor ng pelikula na si Paul Soriano.
“Inimbitahan kami doon, I guess pagkabalik ko from US tour namin, lipad naman ako after two days papuntang Hawaii for Thelma. Si Jason Abalos actually, ang alam ko didiretso siya doon. Hindi ko lang alam kung pinayagan siya kasi part din siya ng Thelma so he’s also invited,” pahayag ni Maja.
Naghahanda na rin ang aktres ng gown na kanyang isusuot sa nasabing event.
“Kinausap ko si Pepsi Herrera kasi siya ’yung paborito ko ngayon. Sobrang pinaganda niya ako noong Star Magic Ball, pati noong dalawang premiere night ng Thelma. Sobrang gaganda ng mga ginawa niya, so, sabi ko mas pagandahin mo pa sa festival sa Hawaii,” kuwento ng dalaga.
Samantala, nagbigay na rin ng reaksiyon si Maja tungkol sa mga naging pahayag ni Matteo Guidicelli sa The Buzz noong Linggo tungkol sa kanilang dalawa.
“Siguro enough na nalaman ng public na we’re together and hanggang doon na lang. Parang we decided na not to update everything in public. So okay na ’yun, okay na lang na alam n’yo na we’re together, tama na ’yun. May mga info na kayong nalaman sa The Buzz, ’yun na lang,” nakangiting pahayag ni Maja.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakapag-uusap ni Coco Martin tungkol sa nangyaring gulo sa kanila ni Matteo pero umaasa ang aktres na maaayos din ito.
“Sana makapag-usap kami soon kasi meron naman kaming US tour. We’re a love team so siguradong maaayos lahat, makakapag-usap kami,” hiling pa ng dalaga.
Gary v. Humanga kay Apl.De.Ap
Katatapos lamang mag-celebrate ng 28th anniversary sa showbiz ni Gary Valenciano. Isang TV special pa ang ipinalabas ng Kapamilya Network kamakailan na With Love, Gary V. Ngayon ay nakatakda na si Mr. Pure Energy na mag-aral ng audio engineering sa ibang bansa.
“I want to study audio engineering and then come back so I can teach what I learned. Pagdating kasi sa songwriting, we’re just good as anybody in the world but when it comes to recording and making the sound good, medyo behind pa tayong mga Pinoy,” pahayag ni Gary.
Minsan ay natawa ang singer nang mapakinggan ang ilang musical arrangements ni apl.de.ap ng Black Eyed Peas. “Ipinarinig niya sa akin ’yung isang ginawa niyang kanta, ang ganda. Noong ipinarinig ko sa kanya ’yung akin, ang layo ng tunog pero gusto niya ’yung songwriting. ’Yung Shout For Joy ang ipinarinig ko sa kanya. Sana one day maging kasing galing nila tayo sa recording,” kuwento ni Gary. —Reports from JAMES C. CANTOS