Ate Vilma gustong makatrabaho si Zanjoe
Halos walang pahinga sa napakaraming gawain niya bilang ina ng Batangas si Gov. Vilma Santos.
Kailan lamang, kasama ang kanyang anak na si Luis Manzano, ay sinamahan namin siya sa kanyang napakamatagumpay na Alay Lakad.
Nung Biyernes ng umaga naman, hindi sinasadya na namang nag-krus ang aming mga landas sa Gatas Nutrition Advocacy Program ng Nestle Philippines.
Katulad ng kanyang Alay lakad, early morning ginanap ang event sa Bago Bantay Elementary School. Ang pag-inom ng gatas at pagkain ng masustansiyang mga pagkain ang ikinakampanya niya sa mga magulang lalo na sa mga ina para sa kanilang mga nagsisipag-aral na mga anak tungo sa isang malusog na pangangatawan at magandang edukasyon.
Nagpaunlak din ng interview ang gobernadora pagkatapos ng event kung saan ay sinagot niya ang iba pang katanungan na may kinalaman naman sa kanyang personal na buhay at pagiging artista.
Yes, sa kabila ng kanyang kaabalahan bilang isang public servant ay nami-miss pa rin niya ang kanyang pag-aartista. Kaya gagawa na naman siya ng pelikula para sa Star Cinema. Mas gusto niyang magtrabaho dito dahil bukod sa nakaka-adjust sila sa schedule niya, nagagawa nilang ibigay ang pangunahing requirement niya bago gumawa ng isang proyekto, ng script.
May offer sa kanya ang Regal kasama si Robin Padilla pero humihingi muna siya ng script. Ganun din ang ilang indie films. Meron sana siyang nagawa na pero wala rin silang script na iprinisinta sa kanya. When asked kung sino sa mga new breed of actors ang gusto niyang makasama sa gagawin niyang pelikula, sinabi niyang “I’m excited to work with Zanjoe Marudo”.
Nalulungkot siya na hindi matuluy-tuloy ang project nila ni Sharon Cuneta. “Hindi magkatugma ang schedule namin but I’m looking forward to making a movie with her,” pag-amin niya.
Gusto na niyang masimulan ang movie niya sa Star Cinema na hindi isang horror but a suspense-thriller.
- Latest