Tahimik lang at pala-kaibigan ang beteranang aktres na aktibo pa rin sa pelikula at telebisyon ngayon. Tawagin natin siyang Aktres A. Ang kasamahan nitong aktres na si B ay laging kontrabida ang karakter na ginagampanan.
One time ay nagkasama sa kainan ang dalawang beteranang aktres.
Matagal nang biyuda si Aktres A at malaki na ang nag-iisang anak at may pamilya na rin.
Tanong ni Aktres B sa kanya, “Bakit hindi ka mag-asawang muli para may makasama ka sa buhay?”
“Kuntento na ako sa buhay ko kahit nag-iisa lang. Tutal nariyan naman ang anak ko at mga apo,” sagot ni A.
“Masarap ang may asawa. Mag-asawa ka na uli,” pangungulit ni B na nasundan pa ng ibang tanong.
Hindi talaga tinantanan ni Aktres B at naiimbiyerna na si A sa kanyang pangungulilit.
“Kapag hindi ka tumigil sa kaka-alaska sa akin baka pasabugin kita! Babarilin kita!” galit na buwelta ni Aktres A na ikinagulat ni B.
Nakahalata naman siya na galit na ang kausap kaya hindi na ito umulit.
Hanggang ngayon ay hindi pa ito kinakausap ni Aktres A. Napikon talaga sa mga pag-uusisa at pangungulit ni Aktres B tungkol sa pag-aasawa.
Marvin naramdaman ang pinagdaanan sa cancer ni Direk Marilou
Inamin ni Marvin Agustin na naging mentor niya si Direk Marilou Diaz-Abaya habang ginagawa ang pelikulang Ikaw ang Pag-ibig. Gumaganap na isang pari si Marvin na may cancer.
“Malaking tulong si Direk dahil itinuro niya ang mga dapat gawin bilang cancer victim dahil napagdaanan niya iyon. May eksenang nilalagnat ako at nanginginig. Ipinaramdam ni Direk ang ganda ng script at naiintindihan ko ang emosyon na dapat pairalin sa eksena,” paglalarawan ng aktor.
Ang Ikaw ang Pag-ibig ay Grade A ng Cinema Evaluation Board at palabas na ito sa Sept. 14.