MANILA, Philippines - Si Jinkee Pacquiao mula sa pagiging saleslady hanggang sa marangyang buhay sa unang pagtanghal ng Anggulo kahapon, Miyerkules sa TV5.
Kilala ng publiko si Jinkee Pacquiao sa kanyang marangyang pamumuhay bilang Mrs. Pacman, ang may-bahay ng isa sa pinakamagiting na boksingerong nabuhay, si Manny Pacquiao. Mula sa kanyang dating payak na buhay sa Sarangani Province, hanggang sa magarbong pamumuhay kadikit ang mga sikat at mayayaman kabilang na ang hotel heiress na si Paris Hilton, inilahad ng Anggulo ang buhay ng babae sa likod ng tagumpay ng Pambansang Kamao kagabi.
Kasama si NEWS5 chief Luchi Cruz-Valdes, idinokumento ng mga senior reporter na sina Jove Francisco, Benjie Dorango, Maricel Halili, Ina Zara, at Roices Naguit-Sibal ang iba’t ibang perspektibo sa buhay ng mga taong laman ng balita—mula sa kanilang pinanggalingan hanggang sa pinakamaiinit na isyu nila sa ngayon.
Inilahad ni Ina Zara ang glamorosang buhay ni Mrs. Pacman at ang kanyang paggawa ng sariling pangalan bilang isa sa mga tinitingalang tao sa bansa. Mula sa kanyang photo shoot para sa isang sikat na beauty clinic hanggang sa kanyang mamahaling koleksiyon ng bag at bagong mansyon sa Forbes Park, tila handang-handa na nga si Jinkee sa buhay-celebrity.
Samantala, lumipad naman sa Sarangani si Jove Francisco para balikan ang naging buhay ni Jinkee bago pa ang yaman at kasikatang tinatamasa niya ngayon. Kinausap ng batikang reporter ang mga kaibigan, kamag-anak, at katrabaho ni Jinkee; habang eksklusibong ipinasilip ni Mrs. Pacman ang bagong mansiyon ng mga Pacquiao sa General Santos City.
Ipinakita naman ni Roices Naguit-Sibal ang mahalagang papel ni Jinkee bilang financial head ng Pacquiao business empire. Mismong si Roices ang nakasaksi kung paanong mag-isang hinahawakan ni Jinkee ang mga negosyo ng kanilang pamilya.
Ang pilot episode ng Anggulo (Isang Mukha, Iba’t ibang Pananaw, Isang Kuwento) ay pagkatapos ng AKSYON JournalisMO sa TV5.
Mapapanood ang maagang pagtatanghal ng Anggulo, 8:30 p.m. sa Aksyon TV (Channel 41 sa Mega Manila, Channel 29 sa Metro Cebu at Davao, Channel 1 sa Cignal Digital TV at Channel 59 sa Sky Cable).
Sisid hindi na binibitiwan
Hindi na mabitiwan ng marami ang maiinit na eksena sa pang-hapong programa ng GMA 7 na Sisid.
Isisisi ni Alona kay Eden ang pagkamatay ni Segismundo at sasabihin niya ito kay Sig. Dahil dito, muling mabubuhay ang galit ni Sig kay Eden at kokomprontahin niya ito. Labis namang masasaktan si Eden dahil sa bintang ni Sig. Sa pagkamatay ni Segismundo, sasabihin ni Ramon kay Eden na oras na mabawi nito ang perlante, aalis na sila papuntang Amerika. Gugustuhin naman ni Sig na makaganti kay Eden at sasang-ayunan siya ni Alona. Itutuloy na ni Alona ang pagbebenta sa perlante pero ‘di niya inaasahan na si Eden ang kukuha nito sa kanya.
Pero binawi ni Eden mula kay Alona ang perlante. Labis na nagalit si Alona. Sinabi ni Eden kay Ramon na tapos na ang paghihiganti niya sa mga Zaragoza subalit may ibang plano si Ramon. Dadalhin niya sa kasa si Alona para mangyari dito ang nangyari noon kay Eden. Pinilit ni Eden si Ramon na tigilan na si Alona subalit hindi pumayag si Ramon. Dahil naman sa pagkawala ng kanyang ina ay hinanap ito ni Sig hanggang sa malaman niya na may kinalaman si Eden sa pagkawala nito. Pumunta sina Eden at Ramon kay Alona dahil gusto sana ni Eden na pakawalan na ito subalit naging matigas si Alona. Bago umalis sina Eden ay nagbago ang isip ni Alona. Sa kagustuhang makalaya na ay napaamin ito kay Eden, na siya ang tunay na pumatay kay Alicia.
Umamin si Alona na siya ang pumatay kay Alicia subalit narinig ito ni Sig na nasundan pala sina Eden. Kapwa di makapaniwala sina Eden at Sig sa nalaman. Dahil ang galit nila sa isa’t isa, wala naman pala talagang tunay na dahilan. Gusto pa ni Alona na makabawi kay Eden subalit ipinakulong siya mismo ni Sig. Gusto ni Sig na muling makausap si Eden subalit nalaman niya ang napipinto nitong pag-alis. Si Eden nama’y nagdalawang-isip na makita si Sig. Nalaman naman ni Ahmed na paalis na si Eden kaya’t may nabuong balak sa isip niya.
Sa gabi na nagkita sina Sig at Eden, umasa si Sig na dumating si Eden pero bago pa nakapagpakita si Eden kay Sig ay biglang hinarang ni Ahmed si Eden at tinangay.
Buhay boksingero, dinanas ng Kapamilya Stars
Sa kabila ng mga sigawan at palakpakan sa bawat laban, mahigpit na pagsasanay, at matinding disiplina ang pinagdaraanan ng mga boksingero bago tumungtong sa loob ng ring. Ngayong linggo sa I Dare You, bibigyang pugay nina Bangs Garcia, Jason Francisco, at Paul Jake Castillo ang mga boksingerong hindi iniinda ang bawat suntok ng buhay sa pananalig na magtatagumpay sila rito.
Haharapin nina Bangs, Jason, at Paul Jake ang hirap ng training upang matulungan ang bidang Kapamilyang sina Jesame Dela Cerna na naghahangad na maging boxer at Domingo “Pretty Boy” Lucas, isang dating boksingerong panandaliang nakatamasa ng kasikatan.
Ang I Dare You ay napapanood mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Kapamilya Blockbusters sa ABS-CBN.