Marami ang nagulat na sa kabila ng napakabigat na karamdaman ni Marilou Diaz Abaya ay nagawa niyang tapusin ang pelikulang Ikaw ang Pag-ibig na bukod sa siya ang nagdirek ay siya ring sumulat ng kuwento at nagprodyus ng pelikula sa tulong ng Star Cinema na siyang magdi-distribute ng pelikula, Archdiocese of Caceres, Marilou Diaz Film Institute, at ng Art Center. Nakatakda itong mapanood sa buong bansa sa September 14. Tampok sina Jomari Yllana, Marvin Agustin, Ina Feleo, Jaime Fabregas, Nonie Buencamino, Shamaine Centenera, Yogo Singh, at si Eddie Garcia sa isang ispesyal na pagganap.
Ang pelikula ay isang marka ng hindi matatawarang dedikasyon ni Marilou Diaz Abaya sa pelikulang Pilipino. Magsisilbi rin itong tribute ng direktora sa mahigit limang dekada sa paggawa ng mga obra na tunay na nakapagpaangat ng antas ng pelikulang Pilipino.
Habang ginagawa niya ang pelikula ay hindi kinakitaan ni kaunti man ng senyales ng kanyang sakit ang direktora bagaman at humihiling ito ng pamamahinga sa tuwing siya ay mapapagod sa shooting. Nito na lamang matapos ang pelikula at masuri siyang muli ng kanyang mga doctor na nag-stage 4 na pala ang kanyang cancer. Subalit mula nang unang ma-screen ang Ikaw ang Pag-ibig nung Enero ng taong kasalukuyan hanggang sa ngayong magkakaroon na ito ng national premiere ay bumuti na ang kalagayan ng pamosong director. Nawala na naman ang kanyang cancer.
Ganito rin humigit kumulang ang sitwasyon ng isa sa mga producer ng movie na si Archbishop Legaspi. May sakit itong lung cancer pero milagro ring nawala habang ginagawa ang pelikula. Walang maibigay na paliwanag dito ang mga nasa medical profession.
Nagkaroon na ng special screening ang pelikula sa Dolphy Theater na sinundan ng isa pang matagumpay na pagpapalabas sa Ateneo de Manila University at sa Ateneo de Naga. Nabigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.
Umiikot ang istorya ng Ikaw ang Pag-ibig sa isang career woman na si Vangie Cruz (Feleo) na ang buhay ay magkakaroon ng pagbabago nang ang kanyang kapatid na bago pa lamang nagiging pari, si Father Johnny (Agustin) ay na-diagnose na may leukemia. Si Vangie ang hinihiling para maging donor sa gagawin ditong bone marrow transplant para mabuhay ito pero ayaw ni Vangie. Dahan-dahan siyang ipi-pressure ng pamilya. Dagdag pa na kinukulit na siya ni Dr. Joey Lucas (Yllana) na magpakasal na sila para mabigyan na ng pangalan ang kanilang lovechild. Mapapalapit ang pamilya sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia.
JC ayaw sumali sa martial arts competition
Mahilig pala sa martial arts si JC de Vera. Naniniwala ang trainor niya na kaunting ensayo pa at handa na siya para sumali sa mga kumpetisyon. Pero, siyempre ayaw ni JC. Katuwiran niya na ang kanyang mukha lamang at katawan ang puhunan niya sa trabaho at kung mababalian daw siya ay saan pa nga naman siya pupulutin.
Kaya tumatanggi siyang sumali sa anumang competition. Gagamitin na lamang niya ang mga kaalaman niya sa mixed martia arts sa Utol Kong Hoodlum na kung saan ay talagang mapapasabak siya sa maraming action scenes.
Jose Vistan May Exhibit
May paanyaya ang kasamahan sa panulat na si Linda Rapadas sa mga visual artists at collectors na mahilig sa painting. Magkakaroon ng exhibit ang visual artist na si Jose Vistan, na ang kadalasang subject ng kanyang obra ay mga bata, sa San Beda Museum, Alabang Hills, Muntinlupa. Dalawampu’t siyam na painting niya sa watercolor ang nasa exhibit na tatagal hanggang Oct. 18.
Boy Abunda inaabangan na sa Bandila
Mukhang mas mapapaganda pa ang Bandila dahil meron na itong entertainment segment na iho-host ni Boy Abunda. With Boy around, hindi lamang ang mga hard news ang aabangan ng mga manonood kundi maging ang mga nakakaintriga, magulo at kontrobersiyal na mga kaganapan sa local entertainment.
Marami ang makaka-miss sa SNN pero, isang malaking push sa Bandila ang pagkaka-merge rito ng SNN.