MANILA, Philippines - Nangunguna ang 90.7 Love Radio na nakakuha ng 28.6% ng mga taga-pakinig sa Mega-Manila base sa inilabas na survey ng Nielsen Media sa unang anim na buwan ng taon.
Siyam na taon nang napapanatili ng istasyon ang nasabing puwesto. Hindi naman nalalayo ang mga taga-101.1 Yes FM sa pamamayagpag ng Manila Broadcasting Company sa FM band, lalo pa’t nakuha na rin ng 96.3 Easy Rock ang posisyon bilang top niche station.
Mula umaga hanggang gabi, Lunes hanggang Linggo, talung-talo ng 90.7 Love Radio ang lahat ng iba pang mga istasyon sa AM at FM sa kanilang pagsasahimpapawid ng 24 oras.
Ayon pa rin sa mga survey, nagkaroon na ng tatlong prime time slot sa radyo - pinakamarami ang nakikinig kina Chris Tsuper at Nicole Hyala mula alas-6:00 hanggang alas-11:00 ng umaga.
Tumataas muli ang rating mula alas-tres hanggang alas-sais ng hapon, subali’t sadyang kagulat-gulat ang muling pag-arangkada ng 90.7 Love Radio sa oras ng mga programa ni Papa Jack mula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-2:00 ng madaling araw.
Sobrang lawak na nga ang matatawag na fan base nina Chris at Nicole, na kilala bilang Tambalang Balasubas at Balahura.
Pinasok na rin nila ang recording industry, kung saan nakakuha sila ng Awit Awards nomination para sa awiting Mahal Kita Kasi.
Ang pagkakaroon naman ng ikatlong prime time slot sa radyo ay bunga ng napakataas na ratings na nakuha ni Papa Jack sa kanyang gabi-gabing pagsasahimpapawid. Syndicated na rin ang kanyang True Love Conversations at Wild Confessions, kaya naririnig na rin ang mga ito sa buong Pilipinas.
Maihahalintulad sa isang kulto ang dami ng nakikinig sa kanya, na ikinukumpara ng marami sa katanyagan ni Johnny Midnight noong dekada setenta at otsenta. Subali’t imbes na paasahin niya ang mga matatandang maysakit tulad ng pagto-toning noong araw, pinakikinggan ni Papa Jack ang mga kinikilig na babae’t umiiyak na lalaki sa kanilang mga istorya ng pag-ibig.
Dahil 41.3 % ng lahat ng mga nakikinig sa radyo sa Metro Manila ang nakatutok sa mga istasyon ng MBC, ipinapakita ng Nielsen Media RAM at RRC na ang pagkuha ng patalastas sa mga istasyon ng Manila Broadcasting Company ang pinakamainam na daan upang maabot ang target market.