Star ng docu-reality ayaw nang ipa-check ang breast cancer!Â
Si Ariel Villasanta ng tambalang Ariel and Maverick ay nag-iisang anak ni Mommy Elvie, star ng docu-reality-comedy series na Mommy Elvie@18 na nasa ikalawang season na. Ang mag-ina ang tampok sa 30 minutong palabas na napapanood tuwing Sabado, 10:30 ng umaga sa GMA News Channel 11. Kasama na rin sa programang ito ang businesswoman/wife ni Ariel na si Cristina Decena Villasanta bilang co-producer ni Ariel.
Sa Season 1, matapos mawasak ng bagong Ondoy ang kanyang tahanan, na-realize ni Mommy Elvie na marami pa siyang gustong gawin. Inilista nito ang 18 bagay na gusto pa niyang magawa at mabigyan ng katuparan.
Sa Season 2 ng Mommy Elvie@18, nagpasya siyang ibigay na kay Ariel ang kanyang last will and testament. Dahil hindi lamang tungkol sa buhay kundi maging kamatayan ang tinatalakay sa Mommy Elvie@18, susundan nito ang health condition ng 84 taong gulang na star of the show na pinagsususpetsahang may breast cancer pero ayaw na nitong alamin ang totoo, gusto na lamang nitong ipagpatuloy ang show.
Samantala, love at first sight ang magbiyenang Mommy Elvie at Cristine. Bago pa sila naging magbiyenan ay nakita na ni Cristina kung gaano kamahal ni Ariel ang kanyang ina. Ito ang nagbigay ng kasiguruhan sa kanya na magiging mabuti rin itong asawa kaya nagpakasal siya rito.
Kaya nang ipakilala siya ni Ariel kay Mommy Elvie agad siyang nagustuhan nito dahil hindi na siya kabataan, agad nitong hiniling na sana ay forever na sila.
Gov. Vi aminadong pinakamayaman sa mga artista
Hindi itinanggi ni Gov. Vilma Santos ang nasulat na isa siya sa 10 pinakamayamang artista sa bansa at sinabi niyang she’s living comfortably with her family pero, anumang kasaganaan ang tinatamasa niya ngayon ay pinaghirapan at pinagtrabahuhan niya.
“Kung anuman ang TF na hinihingi ko, binibigyan ko ng katumbas na trabaho pero hindi ako umaabuso. Ayaw ko lang patatalo,” katuwiran niya.
Natawa siya nang may magsabi sa kanya na gustong sundan ng child star na si Jillian Ward ang kanyang mga yapak. Ikinasisiya niya at itinuturing na isang napakalaking papuri ‘yung mga sinasabi hindi lamang ni Jillian kundi maging nina Kris Aquino at Aiko Melendez, isang pagpapatunay na mayroon siyang ginagawang maganda sa kanyang trabaho bilang isang public servant.
Binusalan na…
Tama lang na pagbawalan ng Star Magic na papagsalitain pa ang mga artista nitong nasangkot sa isang pisikal na away. Sa ganitong paraan nga naman ay maiiwasan na lumala pa ang puwang sa pagitan nina Coco Martin at Matteo Guidicelli at maapektuhan ang kanilang karera at programa. May serye si Matteo, ang My Binondo Girl at kung pakadidiinan pa ang relasyon nila ni Maja Salvador baka makaapekto naman sa pagpapareha nila ni Kim Chiu.
Pambato ng Psalmstre wagi sa Miss Cosmetic Fair
Wagi ang mga pambato ng Psalmstre sa nagdaang Mr. & Miss Cosmetics Fair 2011 na ginanap sa SM Megatrade Hall 1 noong Setyembre 4. Nakuha ni Aldous Samonte ang Mr. Cosmetics title samantalang 1st runner-up naman si Jamaica Elysee Ambal sa female division. Ang nasabing paligsahan ay isa sa mga programa ng Chamber of Cosmetics Industry of the Philippines (CCIP) sa huling araw ng kanilang tradeshow mula Setyembre 2-4.
- Latest