Jasmine iniintriga ang boses ni Anne

Aakalain ng marami na dahil sa sinabi ni Jasmine Curtis Smith, nakababatang kapatid ni Anne Curtis, isa sa mga prinsesa ng TV5 at leading lady agad ni JC de Vera sa kanyang kauna-unahang serye sa TV, ang pagsasatelebisyon ng matagumpay na pelikula ni Robin Padilla at may kapareho ring titulo, na magsisilbing intriga at pagsisimulan ng away ng magkapatid ang ginawang pagbubuking ni Jasmine na hindi marunong kumanta ang kanyang ate. Pero hindi ba kay Anne na mismo nagbuhat ang pag-amin na talagang hindi siya kumakanta, wala siyang boses pero hindi ito dahilan para panga­rapin ang makakanta ng live at mag-recording. Ito ay binig­yan katuparan ni Vic del Rosario ng Viva matapos ang matagumpay niyang Who’s That Girl.

Sa nakikitang pagmamahal at suporta ni Anne kay Jasmine, no amount of intrigues ang maaring mag­lagay ng puwang sa kanilang pagitan. Katuna­yan sa napipintong pagsisimula ng Utol Kong Hood­lum sa September 12, nangako si Anne na tu­tutukan ito.

Samantala, inamin ni Jasmine na may kaun­ting takot siyang nararamdaman dahil baka hindi na matapos ang pagkukumpara ng tao sa kanila ni Anne. At bagaman at wala siyang nakikitang masama rito, dahil talaga namang marami silang kaibahan ng kapatid, ayaw naman niyang malagyan ito ng kulay. Idinagdag nito na wala silang love scenes ni JC sa serye dahil ipinagbabawal pa sa mga kasing­gulang niya pero mayroon silang kissing scenes.

Dalawa ang director ng serye, sina Argel Jo­seph at Topel Lee na kinunan ang mga eksena sa Ba­guio, Tagaytay, Binangonan, at Australia. Mula sa orihinal na istorya ni Deo Fajardo, Jr.

Carlo Aquino nakakaawa ang role

Nakakalungkot at nakakahihinayang na ang isang napaka-galing na aktor na tulad ni Carlo Aquino ay kuntento na lamang sa pagtanggap ng mga maliit na role. At kahit na sabihin niyang ‘there are no small roles but only small actors’ at sumusuporta lamang siya kay Jasmine na inilo-launch sa Utol Kong Hoodlum, andun pa rin ang panghihinayang dahil puwede namang mag-request ang Viva na bigyan siya ng malaking role sa halip na role ng isang kontrabida na hindi naman main kontrabida but only one of henchmen.

Mariz ibinuko ang pagnanakaw ng sandwich ni Ronnie Ricketts

May magandang anekdota si Mariz na naikuwen­to sa presscon ng Utol Kong Hoodlum tungkol sa kanyang asawang si Ronnie Ricketts. Nung nag-aaral pa raw ito ay nagnakaw ito ng sandwich para ibigay sa isang kaeskwela na walang baon. Inamin naman nito ang kanyang ginawa sa nagpapatakbo ng school canteen at binayaran ang kanyang kasalanan sa pamamagitan ng paghuhugas ng pinggan. 

Ina ni Ben (JC) ang ginagampanan ni Mariz at sina­bi nito na puro iyakan ang kanyang eksena.

Marami ang nagtanong kung hindi raw ba siya na­sabihan na may color motif ang mga isusuot ng cast nung gabi ng presscon, either black o red. Lahat kasi ng babaeng miyembro ng cast ay naka-pula. Si Mariz lamang ang naka-itim na siyang suot ng lahat ng male cast.

ARCi pumayag sa kaperanggot na role

Ipinagtanggol naman ni Arci Muñoz ang kanyang special role sa UKH. Marami kasi ang nagtatanong kung bakit siya tumanggap ng maliit na role gayung nagbibida na siya. Katulad din ng sagot ni Carlo Aquino ang sagot niya na dinagdagan pa niya ng “I’m not here to compete but to support Jasmine.” Nagbigay din ng impormasyon ang isa sa mga bossing ng TV5 na mayroong gagawing serye na susunod si Arci na siya ang title role, ang Felina.

Niño magiging director na

Nagbunga rin ang paghihintay ni Niño Muh­lach. Gagawin na siyang isang ganap na direktor ng Viva sa TV at maging sa pelikula rin.

Hindi na bago ang gawaing ito sa dating child superstar. Nakapagdirek na rin siya sa TV at bagaman at abala siya sa kanyang negosyong pagkain, welcome sa kanya ang mag-artistang muli. Parang pinaka-pahinga na lamang niya. 

Show comments