Tetchie Agbayani at John Arcilla pinabayaang maging natural
MANILA, Philippines - Ipinagmamalaki ng mga beteranong artistang sina Tetchie Agbayani at John Arcilla na gumanap ng mahahalagang papel sa indie movie na pinagbibidahan ni Maja Salvador.
Pumapapel bilang mga magulang ni Maja sina Tetchie at John sa Thelma, isang pelikula hinggil sa isang probinsiyanang piniling maging isang professional runner para mabago ang buhay ng kanyang pamilya.
“Itinuturo dito na pangibabawan mo ang iyong kinasasadlakang kalagayan. Tumayo ka kapag nadapa ka. Layunin nito na ipaalala, kundi man ipamulat, sa mga tao na magiging maganda pa rin ang buhay kung pipiliin nating maging mabuti ito at kung kikilos tayo para sa ating piniling buhay,” sabi naman ni Tetchie.
Saad naman ng aktor, “Isang magandang metapora sa paglalakbay natin sa buhay ang pagtakbo. Minsan nauuna tayo, minsan napag-iiwanan tayo. Pero nasaan ka man, tutukan mo ang finish line at patuloy sa pagsulong.”
Puring-puri ng dalawang beteranong artista si Maja na bida sa naturang pelikula. Sinabi nila na nagtrabaho ng husto ang batang aktres para maperpekto niya ang ginagampanan niyang papel tulad ng pagsasanay na tulad ng ginagawa ng ibang mga tunay na runner lalo pa at nagsanay siya sa ilalim ng kilalang Philippine Track and Field champ na si Elma Muros.
Sa pelikula, maraming beses nang gumanap sa ganitong papel sina Tetchie at John pero sinabi nila na ipinakita ang kanilang chemistry sa tuluy-tuloy na paggawa sa pelikula ng ilang araw.
“Isa iyong one time, big shooting sa Ilocos at sa loob ng ilang araw, nag-iisip kami, humihinga, kumakain at kumikilos nang ayon sa aming karakter,” sabi ni John.
Ipinakikita rin sa pelikula ang kagandahan ng Laoag, Batac, Fortuna, at Curimao at ang popular windmills ng Bangui. “Hindi siya glossy pero makatotohanan ang pagkakakuha. Parang tulad ng, kapag pinapawisan ang mga karakter, at natural lang na magmukhang oily ang kanilang mga mukha. Hinayaan lang ni Direk Paul (Soriano),” paglalarawan pa ni Tetchie.
Ang Thelma ay maiden offering ng Time Horizon Productions sa pakikipagtulungan ng Abracadabra Production at Underground Logic. Ipapamahagi ito ng Star Cinema at ipapalabas sa Setyembre 7. Tampok din sa pelikula sina Eliza Pineda, Sue Prado, Jason Abalos, Manel Sevidal, at RJ Salvador.
- Latest