Nabasa namin ang tweet ni Jennylyn Mercado na nagpunta siya sa derma kahapon dahil nasunog ang mukha niya sa taping ng Futbolilits last Friday.
Sa isang football field ang location ni Direk Mike Tuviera at kahit umuulan ay umaaraw din kaya nasunog pa rin ang mukha ng aktres.
Nakaka-relate si Jennylyn sa role niyang nanay ni Julian Trono dahil kay Alex Jazz na very proud niyang ibinalitang nakakapagsalita na, nag-i-ABC at nagbibilang na rin. Paggising daw ng bagets, nagpa-piano at marunong ding mag-drums. Pero itinanggi nitong lumabas sila ng anak with Patrick Garcia dahil never pang nangyari iyon.
Samantala, inamin ni Jennylyn na tweet niya ang nasulat namin na pakiusap (kay Dennis Trillo) na ’wag siyang isali sa publicity ng My Neighbor’s Wife. Sabi ng aktres, “Ayoko lang maisama ako sa publicity dahil hindi naman ako kasama sa movie. Nananahimik na ako, six months na kaming break, hindi pa ba sapat ’yun?”
Nagkikita sila ni Dennis sa Party Pilipinas, pero dedmahan sila dahil hindi maganda ang kanilang paghihiwalay. “Darating din ang oras na magkakausap kami ni Dennis, ’wag lang pilitin, palamigin muna natin. With Patrick, one year muna ang lumipas bago kami nag-usap,” sabi pa ni Jen.
Kasama rin si Jennylyn sa Protégé bilang Reality Host at siya ang magbibigay ng 10-minute updates ng quest for stardom ng contestants Mondays through Saturdays. Mamayang gabi na ang premiere nito.
Showbiz lalayasan na Alessandra mas gustong magtititiklop na lang ng mga damit at mag-aalaga ng mga anak sa bahay ’pag nag-asawa
Puring-puri ni Divina Valencia si Alessandra de Rossi na gumaganap na pekeng apo niya sa Sinner or Saint. Sa tinginan lang nila, alam na nila kung paano i-execute ang isang eksena at ikinatuwa ito ni Alex.
Enjoy si Alex sa taping ng soap dahil walang nang-aaway sa kanya at kasundo niya lahat ang cast pati si Bianca King na madalas niyang inaaway sa istorya.
Malapit nang magtapos ang drama at wala pang alam na next project si Alex, okay sa kanyang makasama si Rhian Ramos na minsan niyang nakabangga at hindi siya magrereklamo kung kontrabida pa rin ang role niya sa next soap.
Nagulat kami sa nabanggit ni Alex na ’pag nag-asawa siya, iiwan niya ang showbiz at magko-concentrate sa pagiging maybahay.
“Iiwan ko ang showbiz at magiging domesticated ako. Gusto ko nagtitiklop ng damit at nag-aalaga ng mga bata, dun ako magko-concentrate. Kaya ’wag n’yo muna akong ibuyong magka-love life,” birong sabi sa amin ni Alex.
2 Kapuso actor pasok sa Cosmo
Dalawang Kapuso actors lang ang nakapasok sa Top 10 ng Cosmo Bachelors at isa rito si Enzo Pineda. Siguradong hindi lang ang binata ang tuwang-tuwa, pati ang GF nitong si Louise delos Reyes at hindi kami magugulat kung present ang dalaga sa pagrampa ni Enzo at ng ibang nasa listahan.
Naalala namin si Enzo dahil sa kuwentuhan ng press na nag-iba na ang paraan ng pagbeso nito. Kung dati ay sa hangin siya bumebeso, ngayon ay dumadampi na ang kiss niya sa pisngi ng binebeso.