Bago pa lumaki ang balita at pagpistahan ng marami sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang espekulasyon, naglabas na agad ng pormal na pahayag ang ABS-CBN tungkol sa pagkakadala ng biglaan kay Erich Gonzales sa ospital mula sa set ng kanyang seryeng Maria la del Barrio.
Napag-alaman mula sa doktor na tumingin sa kanya na lubhang bumaba ang kanyang sugar level (40) kung kaya nanghina ito at halos hindi na naipagpatuloy ang kanyang trabaho. Madali namang nahimasmasan ang aktres, agad naibalik sa normal ang kanyang sugar level pero pinagpayuhang magpahinga muna bago niya balikan ang kanyang trabaho.
Naintindihan naman ng mga kasamahan niya at maging ng direktor ang kalagayan ng young actress kaya itineyp muna ay ’yung mga eksena kung saan ay hindi siya kasama.
Matapos mabalitang nabuntis Denise Laurel biglang lumitaw
I’m sure marami ang tututok sa episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong gabi hindi lamang dahil sa isa na namang magandang istorya ang bibigyang buhay kundi ang pangyayaring ang gaganap ng role sa nagpadala ng istorya ng kanyang buhay ay ang matagal nang nawawalang artista na nung biglang mawala sa ginagawa niyang serye, ang Kristine, ay sari-sari ring haka-haka ang lumabas.
Siya si Denise Laurel. Kung anuman ang tunay na dahilan ng kanyang pagkawala ay sasabihin din siguro niya sa tamang panahon at okasyon.
Kapareha niya sa nasabing episode si Matt Evans at kasama rin sa cast si Bettina Carlos.
Markki stroem inayang ka-date si kiray sa star magic ball
Napakasuwerte talaga ni Kiray Celis. Marami ang maiingit kapag nabalitaan na ang guwapong discovery ng Pilipinas Got Talent na si Markki Stroem ang ka-date niya sa gaganaping Star Magic Ball. Inamin ng guwapong binata na hindi na kinailangang magdalawang salita pa ni Kiray sa imbitasyon nito sa kanya na eskortan siya sa nasabing formal affair na kung saan maraming Kapamilya ang dumadalo.
Ang event na ito ay gumugulat sa maraming sumusubaybay sa local showbiz dahil marami na hindi nila inaasahang magiging magka-date ang dumarating. Si Jake Cuenca nga ay isang Kapuso, si Lovi Poe, ang makakasama sa gabing ito.
Proud si Markki na maging escort ni Kiray na mukhang napapanahon ngayon dahil palagi siyang nababalita at isa sa mga gumaganap ng mahalagang role sa bagets show ng ABS-CBN na Growing Up.
Babaeng ‘bokalista’ ng RiverMaya may fund-raising concert
Marami sa nakakapanood ng music video ng RiverMaya na kumakanta ng Nowhere to Run bilang promo ng indie film na Thelma na nagtatampok kay Maja Salvador at curious kung totoo bang meron ng babaeng miyembro ang grupo. Pero guest lamang ang babaeng nagsisilbing bokalista sa nasabing video.
Siya si Julieann Tarroja, isang singer-composer na hinahawakan ng Genesis Entertainment at napanood sa isang matagumpay na concert. Pawang mga orihinal na awitin ang kinanta niya kasama na ang mga komposisyon niya, tulad ng Queen In Me, Grateful, at ang bagong single niyang Fly.
At mapapanood siya sa isang fund-raising concert ngayong gabi sa Philam Life Theater na pinamagatang Symphonic Passion. Tutugtugin ng Manila Symphony Orchestra ang mga komposisyon niya.