Boses ni Yeng apektado sa kanyang pagpupuyat!

Hanggang ngayon, hinihintay pa rin ng mga ‘kapuyaters,’ mga manonood ng hatinggabing palabas ng ABS-CBN na Music Uplate Live, ang pagbabalik ng orihinal na host nito na si Yeng Constantino. May ilang panahon na ring hindi ito nakikita sa programa simula pa nung maghanda ito para sa kanyang matagumpay na concert na ginanap sa Aliw Theater.

Kaya naman ng mga kasalukuyang hosts ng show na sina Tutti Caringal, Gee Canlas, at Martin Concio na patakbuhin ang M.U. Live pero kung regular viewers kayo ng nasabing programa na katulad ko you’ll agree with me kung sasabihin ko na iba pa rin kapag nandun si Yeng. Ewan ko pero ako aliw na aliw sa pagiging naive ni Yeng tungkol sa maraming bagay na tinatalakay nila sa show. 

Mahirap mag-maintain ng isang show na tulog na ang maraming manonood pero kahit nung nag-iisa pa si Yeng at meron lang iba-ibang tumutulong sa kanyang mag-host ng show ay nagawa niyang makakuha ng maraming viewers dahil nakita nila ang kanyang sincerity at enjoyment sa kanyang ginagawa. Also at that time okay na sa mga viewers ang makapanood ng isang sort of a mini musical sa oras na tahimik na ang gabi at ang guest lamang nila ang nagbibigay ng musika sa mga taong nagpapahinga na at nag­hahanap na ng tulog.

Nakaka-miss talaga si Yeng na sinasabing ’di na magbabalik sa show dahil naapektuhan na ang boses niya sa gabi-gabing pagpupuyat niya. 

Manilyn kakayod na uli

Ngayong puwede nang balikan ni Manilyn Reynes ang kanyang role bilang Mrs. Manaloto sa reality sitcom na Pepito Manaloto nagtatampok kay Michael V., isinama rin siya sa cast ng isa pang bagong sitcom ng Kapuso Network bilang kapareha ni Ogie Alcasid.

Second choice lang si Mane sa nag-ober da bakod sa Kapatid Network na si Gelli de Belen pero hindi ito nakakaapekto sa magaling na artista na nag-sideline lamang ng kanyang maselang pagbubuntis at ngayon ay nakapanganak na.

Paolo kailangang ‘magbayad’ sa lola ng anak

Hindi naman siguro mahihirapan si Paolo Ballesteros na makuha ang kanyang tatlong taong gulang na anak na babae sa lola nito dahil anak niya ito at pumayag na ang ina nito na ilagay sa kanyang pangangalaga ang bata. Baka siguro kinakailangan lang niyang i-compensate ang mga ginastos ng lola sa bata para sa mga taong kinupkop niya ito.

Gary V. pabor maging manugang si Isabel Oli

Inamin na ni Gab Valenciano na totoo at hindi tsismis lang ’yung sinasabing relasyon nila ni Isabel Oli. Dalawang buwan na sila at patunay lamang siguro ng kanyang maturity ang pangyayaring nagawa niyang itago ito sa mata ng publiko.

“I’m 200 percent different now from what I was before. Hindi na ako seloso ngayon at hindi na basta-basta nagagalit kapag hindi siya nakakapag-text,” paliwanag ng binata ni Mr. Pure Energy na pawang magagandang salita rin ang sinasabi tungkol sa bagong karelasyon ng kanyang binata.

Idinagdag din ni Gary Valenciano na wala siyang tutol kung naisin ng kanyang anak na mag-asawa na ngayon.

“Basta handa na sila sa lahat ng aspeto ng buhay, okay na sa akin,” paniniyak ng ama na sinabi rin na hindi lamang ang bagong girlfriend ng anak ang pinapaboran niya, wala siyang naging problema sa mga dating naging girlfriends ng anak.

Show comments