Dolphy lalong lumalakas tuwing 'pinapatay'

Wala na siguro pang magagawa si Dolphy at ang buo niyang pamilya kundi ang tawanan na lamang ang sunud-sunod na paglabas ng balitang namatay siya. Kung trip ito ng mga nagpapakalat sa text, ang patulan ito ay baka makaapekto lamang sa mga anak niya’t pamilya nila at lalo na kay Zsa Zsa Padilla kaya ipinagkikibit-balikat na lamang nila at hindi na lang pinapansin.

Mabuti na lamang at sa halip na makapagpahina kay Dolphy ang mga balita ay lumakas pa siya’t nakakapagtrabaho na. Tama siguro ang kasabihan na habang nababalita ang isang tao na namatay na ay lalo lamang humahaba ang kanyang buhay.

TV5 malaki ang tiwala kay Edu

Napakalaki ng tiwala ng TV5 sa kakayahan ni Edu Manzano kung kaya bibigyan nila ito ng isang programa, isang game show sa tanghali. Para tapatan nila ang isang mala-institusyon na Eat Bulaga at ang baguhang Happy Yipee Yehey, aba, halata ang tiwala nila sa bago nilang Kapatid. Sana lang ay mapangatawanan nila ito at hindi maging sandali lamang ang buhay ng magiging show ni Doods sa kanila.

Maria Aragon gusto nang kumawala sa anino ni Lady Gaga

Wish ng YouTube sensation na si Maria Aragon na makakawala na sa imahe ni Lady Gaga, ang sikat na sikat sa abroad na naging malaking tulong para siya mapansin hindi lamang sa international circle kundi maging dito sa sarili niyang bansa.

Hindi naman magiging mahirap para sa 11 taong gulang na Fil-Canadian ang kanyang minimithi dahil bukod sa pagkanta ng Born This Way ni Lady Gaga ay wala siya ni anumang bahid ng personalidad nito. Simple lang, hindi siya outrageous manamit at lubhang napakabata niya para maikumpara rito. Yes, I think magiging madali lang sa kanya ang makalikha ng sarili niyang identity bilang isang singer. Maging ang album na ginawa niya rito ay may mga kanta na malayung-malayo sa kinakanta ng American pop star.

Mga anak ng artista bida sa isang show

Naalala ko ang dati kong programang That’s Entertainment sa serye ng isang palabas na gagawin sa Teatrino sa Greenhills na mga second generation performers ang itatampok. Tuloy bigla ko na namang na-miss ang dati kong show dahil kung may That’s… pa ay ako siguro ang makakauna kina Isabella na anak ni Kuh Ledesma; Robin Nievera, anak nina Martin Nievera at Pops Fernandez; at Nicole at Carlo David, mga anak ni Mon David. Bago pa sila matuklasan ng iba ay mauuna na sila sa show.

Si Janine Gutierrez, maliit pang bata ay sinabi ko nang may potensiyal na sumikat. Ganun din ang mga anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong, ang mga binata ni Lorna Tolentino, at marami pang iba.

Kung gusto n’yong mag-enjoy tuwing Biyernes ng gabi, go kayo sa Teatrino, simula ngayong gabi at makinig sa musika ng mga anak ng artista.

Show comments