Marami ang nabahala sa pagkaka-ospital ni Cristine Reyes kamakailan pero ngayon ay maayos na ang pakiramdam ng aktres at balik-trabaho na siya. “Okay na po, mabuti na po ang pakiramdam ko,” bungad ni Cristine.
Labis daw na nag-alala ang aktres dahil hindi kaagad natukoy ng mga doktor noong una ang kanyang tunay na karamdaman at naghinala silang baka na-dengue si Cristine. “Nalaman nila na hindi Dengue so nagtataka sila anong sakit ko until kinunan ng liquid sa spine, doon nila nalaman. Basta over worked lang, sa klase ng trabaho natin ‘di maiwasan magpuyat ‘di ba,” kuwento ni Cristine.
Nagpaliwanag din ang dalaga kung bakit hindi siya nagpadalaw sa mga kaibigan ng ilang araw habang siya ay nasa ospital. “Hindi ko kakayanin kapag may bisita, sumasakit ang ulo ko tapos high fever, tapos sabi ng doktor huwag magpadalaw kasi baka sila makadala ng virus. Naano ko kasi sinasabi ayaw magpadalaw, sabi ko hindi ganun, papadalaw ako kung puwede kaso hindi talaga,” paglilinaw ni Cristine.
Ngayon ay nagte-taping na ulit ang dalaga para sa teleseryeng Reputasyon at bukod dito ay abala na rin si Cristine sa paggawa ng pelikulang No Other Woman. Makakasama ng aktres sa nasabing pelikula sina Derek Ramsay at Anne Curtis at mapapanood na ito sa September 28. “Marami silang aabangang eksena namin ni Anne, mga dialogue na tatatak sa tao and drama scenes namin nina Derek at Anne, magandang-maganda po ito para sa inyong lahat,” pagtatapos pa ng dalaga.
Direk Paul, tinawag na Japayuki si Toni
Naging matagumpay ang ginanap na red carpet premieres ng Wedding Tayo, Wedding Hindi sa Trinoma at sa The Block ng SM City-North EDSA noong Martes.
Maraming dumalong artista bilang pagsuporta nila sa pelikula at sa main cast nitong sina Toni Gonzaga, Eugene Domingo, Wendell Ramos, at Zanjoe Marudo. Dumating din si Direk Paul Soriano para sa kanyang girlfriend na si Toni. Nagulat daw ang direktor sa naging ayos ni Toni noong gabing iyon. “Nakakatawa si Toni, ibang klase, ibang look, Japayuki yata siya. I’m not used to it pero when I saw Toni natuwa na ako. Galing ni Ate Uge, the whole cast, congratulations,” nakangiting kuwento ni Direk Paul.
Samantala, masayang-masaya rin si Zanjoe Marudo sa ginawang pagsuporta ni Bea Alonzo sa kanilang pelikula dahil pumunta rin ang aktres sa premiere night. “Siyempre tuwang-tuwa ako, sumuporta sila. Nagbigay ng time lalo na si Bea nagbigay ng time kahit busy sa projects,” maikling pahayag naman ni Zanjoe. Reports from JAMES C. CANTOS