Vice Ganda todo deny sa pag-expand ng ulo!

Ang dami-daming nagsasabi na malaki na ang ipinagbago ng komedyanteng si Vice Ganda simula nang lumaki ang pangalan niya’t sumikat. Pero walang normal na tao ang hindi maaapektuhan kapag buong linggo kang nakikita sa telebisyon sa Showtime bilang inevictable judge. At Linggo ng gabi ay napapanood pa siya sa Gandang Gabi Vice na kung siya ang masusunod ay handa na niyang iwan dahil natapos na niya ang isang season.

“Dapat 12 episodes lang pero ginusto ng management na i-extend pa dahil bongga ang reception at ratings,” pagmamalaki ni Vice.

Sa malas kulang pa ang isang linggo para matapos ang mga trabaho niya. Nagpu-promote siya ng first album niya, ginagawa rin niya ang kanyang ikalawang pelikula sa Viva Films, ang Private Benjamin.

Ngayong araw na ito, lilipad ang tinatawag na Unkabogable Star para sa kanyang US Tour (LA, San Francisco, Anaheim) kasama sina K Brosas at Jon Avila. At parang marami pa siyang oras dahil tinanggap niya ang alok ng Globe para muling i-endorse ang produkto nila, matapos ang successful endorsement niya ng Super TXT ALL 20 na hanggang ngayon ay isa sa mga malalakas na promo ng GlobeTelecom.

“May nabago lang sa pamumuhay ko pero wala sa pag-uugali. Lahat ng mga nagsasa­bing lumaki na ang ulo ko ay ’yung mga hindi ako gusto at ayaw akong intindihin,” paliwanag niya.

Tapos na ba ang away niya kina Boss Vic del Rosario ng Viva at Direk GB Sampedro?

Bakit sumama ang loob ng mga ito sa kanya?

“Correction please, ako ang sumama ang loob sa kanila at hindi sila. Kung may sama ng loob si Boss Vic, bakit niya ginawan ng repeat ’yung concert ko? Bakit niya ako pinagawa ng album at binigyan ako ng second film?

“Si Direk GB naman kung may reklamo siya sa akin, bakit hindi niya ito sinabi sa akin mismo? Kung nasaktan ko siya willing akong mag-apologize sa kanya pero dapat alam ko muna kung bakit at paano ko siya nasaktan,” pagtatang­gol niya sa sarili.

Boy gustong ipanalo ang Ladlad

Masaya si Boy Abunda na sa kanyang panahon bilang Senior Political Adviser ng Ladlad Partylist ay natanggal ang salitang “Ang” sa kanilang grupo.

Ladlad Partylist na ang tawag na kung inyong matatandaan ay pinayagan ng korte na tumakbo sa halalan nung 2010. Ang Ladlad ang nag-iisang Partylist sa mundo na kumakatawan sa mga bakla, lesbiyana, bisexual, at transgender bilang marginalized sector ng lipunan.

Sinabi ni Boy na bilang tagapayo ng grupo ay gagawin niya ang lahat niyang makakaya para maipanalo ang grupo na siyang magbabalangkas ng mga batas para sa kapakanan ng kanilang hanay.

       

Show comments