Hindi pa man nagsisimula ang bagong reality singing competition ng GMA 7 na Protégé, mukhang may namumuo nang competition sa pagitan ng dalawa sa 10 mentors na sina Imelda Papin at Claire dela Fuente, mga kinilalang reyna ng jukebox nung kapanahunan nila. Sayang at hindi nakasama si Eva Eugenio dahil mas maigting sana ang magiging labanan hindi lamang ng mga napiling Protégé nila kundi maging sila mismo.
Ibibigay ng dalawang mentors at ang walo pa nilang kasama na sina Janno Gibbs, Jaya, Jay-R, Rachelle Ann Go, Gloc-9, Aiza Seguerra, Joey Generoso ng Side A, at Rey Valera hindi lamang ang kanilang expertise, panahon, sa lahat ng rehearsal, vocal workshop, at studio recording kundi maging ang kanilang looks, over-all packaging, at showmanship sa kanilang mga protégé para makuha nito ang boto ng mga napiling mga hurado na binubuo naman nina Louie Ocampo, Bert de Leon, at Joey de Leon at maging ng mga viewers. Ang 10 mentors din ang namuno sa mga audition na ginanap sa Iloilo (Janno), Davao (Jaya), Cabanatuan (Jay-R), Cebu (Rachelle Ann), Manila (Gloc 9), Cagayan de Oro (Aiza), Naga (Imelda), Batangas (Claire), Dagupan (Joey), at Pampanga (Rey).
Maituturing na first of its kind ang nasabing paligsahan sa pagkanta dahil hindi isa o dalawa lamang ang magiging host nito. Bukod kay Ogie Alcasid na magsisilbing Journey Host, Gala Presentor si Dingdong Dantes, at Reality Host naman si Jennylyn Mercado. Ibabahagi ni Ogie ang mga drama na nagaganap sa likod ng camera at ang emotional highs and lows sa buhay ng lahat ng mga contestants. Si Dingdong naman ang host tuwing Linggo na gagawing live at si Jennylyn will give a 10-minute update ng Mondays to Saturdays.
Sayang dahil mga tatlo hanggang apat na contestants lamang ang kailangan nilang makuha para makipaglaban simula sa Sept. 4 sa Protégé: The Battle for the Big Break. Kaninong protégé ang lalabas na pinakamagaling, kay Imelda ba o kay Claire? Lahat ay inaasahang masosorpresa dahil maging ang napakagaling na rapper na si Gloc-9, ang soul singer na si Jaya, at R&B Prince na si Jay-R ay hindi kaistilo nila ang pinili.
Sobrang napaka-excited ng Undisputed Jukebox Queen na si Imelda sa pagiging isang mentor sa Protégé dahil pinakawalan niya ang isang napakagandang offer na mag-concert sa Canada sa buwan ng September. Nasabay sa mga unang linggo ng Protégé ang concert which will pay her in US dollars. Bukod sa kanyang trabaho sa bagong reality singing contest ng GMA na tatakbo hanggang Dec. 18, magagamit niya ang libre niyang oras para mapagtuunan naman ng pansin ang mga mahihirap na ginagamot sa Quezon City General Hospital gamit ang mga dialysis machines na dinala niya rito from the US na na-acquire niya sa mga konsiyertong ginawa niya dun.
Nanghihinayang naman si Claire na wala siyang mina-manage ngayong singer although most of her talents like Bela Padilla, Sam Pinto, Meg Imperial, Matthew Medina, Maffy Soler, Ruby Concepcion ay nakakakanta rin. Ang kanyang anak na si Jerek dela Fuente na nag-aartista rin ay ikinuha na niya ng manager para may mag-asikaso rito. Isa na itong talent ni Joji Dingcong.
Wala pang dinadanas na sakit ng ulo sa kanyang mga alaga si Claire. Isa siya sa mga matatapang na talent manager na talagang pumupronta kapag naapi na ang kanyang mga talents. Ang isa sa kanila na si Bela ay nakatakdang makipag-compete sa China para sa titulong Super Model of the World.