Kuya Germs at Suzette nagkakainitan dahil sa sked ni Nora

Nakatabi ko si German Moreno sa presscon ng Protégé ng GMA 7 nung Biyernes ng gabi at nang tanungin ko kung ano ang ugat ng sinasabing pag-aaway nila ni Suzette Ranillo, sinabi nito na hindi siya nakikipag-away kahit kanino.

“Tinatanong ko lang siya palagi ng schedule ni Nora (Aunor) dahil siya ang palaging kasama ni Guy sa mga lakaran, para hindi magkaroon ng conflict ang mga pupuntahan at gagawin niya. Ito lamang ang alam kong communication naming da­lawa. At hindi ko alam kung ano ang ikinagagalit niya, kung meron man.

“Kailangang gampanan ko rin ang tungkuling ibi­nigay sa akin ni Nora na kung saan ay pinapirma pa ako sa harap ng isang abogado. Pero palagi lang sinasabi na hindi ako ang manager niya in the sense na hindi ako kumukomisyon pero ang trabaho ko sa kanya ay tulad din ng isang manager. Hindi ako lumalampas sa tungkulin na iniaatas niya sa akin. Kung ano naman ang tungkulin sa kanya ni Suzette ay hindi ko rin alam at hindi ko pinakikialaman pero dahil siya ang kasama sa mga lakaran ni Nora, kaya nagtatanong ako sa kanya. Hindi ko alam kung ayaw pala niya ang pagtatanong ko,” paliwanag ng TV host, talent manager, at tumatayong consultant ng GMA 7.

Lovi at Richard totohanan na ang relasyon?

 Meron palang itinatagong relasyon sina Lovi Poe at Richard Gutierrez? Kelan pa nangyari ito? At ano ang tunay nilang relasyon, higit pa ba sa pagiging magkaibigan o co-stars?

Tatalakayin ito mamaya sa Showbiz Central?

Mga babaeng artista ang featured mamayang hapon tulad ni Carla Abel­lana na bubuweltahan ang entertainment writer na nakabangga niya recently at si Jennylyn Mercado sa diumano’y pagtanggi ng kanyang ex na si Dennis Trillo na makasama siya sa isang project.

Maja gagawin lahat kumita lang ang Thelma

Lubhang napakaagang dumating ang pagkakataon para kay Maja Salvador na mag-produce ng pelikula nang kausapin siya ng mag-asawang producers na sina Rino at Sam Chavez Que ng Time Horizon Pictures para sa indie film na Thelma. Patapos na ang paggawa niya ng nasabing pelikula nang alukin na makipag-co-produce sa kanila. Maituturing pa siyang baguhang artista kaya wala pang maisososyong malaking halaga pero nagawa niyang ibigay ang isang bahagi ng kanyang talent fee.

Ngayong isa na siyang co-producer nito, mapipilitan siyang gawin ang lahat niyang makakaya para kumita ang movie at baka mag-produce silang muli. Hindi man niya gustuhing mag-produce muli ay kailangang maging maganda ang kalalabasan nito sa takilya dahil nakataya rito ang kanyang pangalan hindi lamang bilang producer kundi bilang artista ng pelikula.

Samantala, nalulungkot ang guwapong direktor na si Paul Soriano na ayaw tanggapin ng marami na puwedeng magandang working relationship lamang ang namamagitan sa kabila ng maganda niyang artista.

Bago dumalo ng presscon para sa Thelma ay inayos pa at tsinek ng kanyang girlfriend na si Toni Gonzaga ang kanyang kaayusan. Binalaan din siya nito na ma­ging maingat sa kanyang pagsagot sa mga katanungan nila tungkol sa intriga sa kanila ni Maja.

Natuwa ang press nang aminin niya na he’s turning 30 years old in October at, definitely, may settling down na sila ni Toni na pag-iisipan.

Si Mark Escueta ng RiverMaya ang nag-compose the theme song ng pelikula na Nowhere to Run na inawit ng kanyang grupo. Si Jullian Tarroja ang nagbigay ng vocals.

Hindi istorya ni Elma Muros ang Thelma, ito ay kumbinasyon ng mga kuwento ng maraming runners na na-interview sa ginawang research para sa pelikula. Palabas na sa Sept. 7 pero may premiere night ito sa Sept. 4.

Show comments