Pera pala ang naging dahilan ng matinding away ngayon nina Annabelle Rama at Nadia Montenegro.
Mismong si Annabelle ang nagkuwento.
Minsan daw kasi, pinaboran niya ang mag-ina na mag-advance ng P1 million sa GMA 7 para sa guaranteed contract ni Ynna Asistio.
Since kailangan ng mag-ina ng P1 million hindi niya muna kinuha ang commission niya. Aba pagkatapos daw ng isang taon nang kunin na niya ang kita niya bilang manager ng anak ng dating aktres, ayun na, nagwala na si Nadia at sinabing puwede namang hindi biglaan ang pagkuha.
Ang katuwiran naman ng mommy nila Ruffa, aba karapatan niya bilang manager ang kumuha ng commission dahil pinagbigyan na niya ito ng isang taon.
‘Yun ang puno’t dulo. Ngayon magkaaway sila.
Ang nakaka-shock lang na malaman, wala palang sariling bahay sila Nadia. Umuupa pa sila hanggang makabili nga nang makahiram sila ng P1 million sa GMA sa tulong ni Annabelle. Ginamit nila ‘yung pang-down payment.
Dalawang pelikula ni Eugene magsasalpukan sa takilya
Oh oh. Dalawang pelikula ni Eugene Domingo ang magbabanggaan sa takilya sa August 31.
Though hindi naman siya ang bida sa Zombadings 1 : Patayin sa Shokot si Remington, importante naman ang role niya.
Sa Wedding Tayo, Wedding Hindi, ‘yun ang talagang pinagbibidahan niya kasama sina Toni Gonzaga, Wendell Ramos, at Zanjoe Marudo.
Actually, lately, hataw si Eugene sa indie films. Sunud-sunod ang mga pelikula niya in fairness ay kumikita naman.
Sa Zombadings, siya ang nanay ni Hannah na ginagampanan ni Lauren Young na supposedly ay nililigawan ni Remington (Martin Escudero).
Teka sa dalawang pelikula niyang sabay ipalalabas, siyempre ‘yung mas bida siya ang ipo-promote ni Eugene.
Sabay din magkakaroon ng premiere ang dalawa – sa Tuesday ng gabi at parehong sa SM Megamall.
Hmmm, paano ‘to?
Ang advantage lang ngayon ng Zombadings 1 : Patayin sa Shokot si Remington, graded A sila ng Cinema Evaluation Board kaya labis ang pasasalamat ng director nilang si Jade Castro.
Eh ang Wedding Tayo, Wedding Hindi, sa Martes pa lang malalaman kung anong magiging hatol ng grupo ng CEB na more or less ay nagiging basehan kung maganda ang pelikula.
Proud ang grupo ng Zombadings 1 : Patayin sa Shokot si Remington dahil inabot pala ito ng dalawang taon bago nila nagawang pelikula. Sa script pa lang, natagalan na sila. “Kasi may special effects pa kami,” habol ni Direk Jade sa isang maiksing tsikahan.
Kaya nga nang malaman nilang makakabangga nila sa takilya ang mas malaking pelikula ni Eugene Domingo, nalungkot sila.
Pero nakakuha na sila ng 50 theaters na paglalabasan nito.
Napanood ko na actually ito sa isang screening at sa true lang nakakabilib dito si Martin. Ang galing nang naging portrayal niya kay Remington na pilit nilalabanan ang pagiging bading pero hindi niya magawa matapos siyang isumpa ng isang bading din na ginampanan ni Roderick Paulate.
Kung hindi mo siya kilalang totoong lalaki, aakalain mong totoong bading siya.
Imagine meron pa sila ritong halikan ng modelo na nag-aaktor na rin ngayon na si Kerbie Zamora. Kuwento naman ni Martin, pinag-usapan naman nila ni Kerbie ang ginawa nila kaya nung actual take na, hindi na sila nahirapan.
Sabi nga ni Direk Jade, take one lang ang nasabing staircase kiss ng dalawa.
May special participation din sa Zombadings 1 : Patayin sa Shokot si Remington sina Janice de Belen, John Regala, at marami pang iba na ikatutuwa ng mga manonood nito.
Nagustuhan Ang Script
Speaking of Eugene, ang naka-attract naman pala sa kanya sa pelikulang Wedding Tayo, Wedding Hindi ay ang script ng pelikulang dinirek ni Jose Javier Reyes para sa Star Cinema. “’Yung isa magpapakasal at ‘yung isa magpapa-annul. So nung nabasa ko ‘yung script, tuwang-tuwa ako kasi first time na bibigyan ako ng role na may asawa na siya. Kadalasan kasi ang nabibigay sa aking role, gustung-gusto kong mag-asawa. Dito ‘yung character ko pagod na pagod na sa pagiging wife kaya gustung-gusto na niyang magpa-annul,” sabi naman ni Eugene sa isang interview.
Kung sabagay, kabaliktaran ito sa totoong buhay niya. Very vocal siya sa pagsasabing gusto na niyang magka-asawa pero wala pang dumarating na tamang lalaki.