MANILA, Philippines - Nominado ang TV Patrol ng ABS-CBN sa prestihiyosong International Emmy Awards ngayon para sa News category para sa kumprehensibong pagbabalita sa malagim na hostage taking ng bus sa Maynila noong Agosto 2010.
Makakalaban ng TV Patrol ang mga pambato mula sa bansang Brazil, Iceland, at United Kingdom sa News category ng International Emmy.
“Noong 23 Agosto 2010, walong turista mula Hong Kong ang pinatay sa isang hostage drama sa Maynila na tumagal ng 12 oras. May 22 turista mula Hong Kong at tatlong Pilipino sa loob ng Hong Thai tourist bus nang ito ay pinasok ng armadong lalake bandang 9 ng umaga,” sabi tungkol sa TV Patrol, nominasyon sa website ng International Emmy.
Ang ABS-CBN lang ang natatanging Philippine TV station na nominado sa kategorya ng news and current affairs ng International Emmy’s ngayong taon. Unang natamo ng ABS-CBN News ang nominasyon sa naturang award giving body noong 2007 para sa coverage ng Bandila sa kontrobersyal na Subic Rape Case.
Wala pang ibang TV news organization sa Pilipinas ang nakakuha ng nominasyon sa International Emmy’s bukod sa ABS-CBN.
Naging finalist din ito ng ABS-CBN News sa ginanap na New York Festivals Awards noong Abril sa Las Vegas.
Ang TV Patrol ang nangungunang TV newscast sa bansa, ayon sa datos ng Kantar Media. Mas maraming nanonood ng TV Patrol na nagtala ng 28.5% TV rating sa buong bansa kumpara sa 24 Oras ng GMA na may rating lang ng 19.7%.
Kamakailan, kinilala rin ang ABS-CBN News sa Commguild Awards. Nanalo bilang Best Male News Presenter si Ted Failon, Best Female News Presenter si Karen Davila, at Best Field Reporter naman si Sol Aragones.