You would think na dahil hindi naman mga baguhang artsita sina Dominic Roco at Bela Padilla ay hindi na sila magkakaproblema pa sa execution ng isang love scene para sa ginagawa nilang serye para sa GMA 7, ang Sisid. Nagtataka pa ang direktor ng serye na si Ricky Davao kung bakit nagkakailangan pa ang dalawa niyang artista, halatang hindi sila komportable sa gagawin nilang eksena.
Kinausap niya ang dalawa at nagulat pa siya nang malaman na first on screen love scene pala iyon ng dalawa. Napag-alaman din niya na bago kunan ang eksena ay kinausap pa muna ni Bela si Dominic para mawala ang nerbiyos at ma-relax sila. Nagulat pa siya dahil ang kapareha niya ay ninenerbiyos din.
“Nag-usap kami, nangako na aalalayan namin ang isa’t isa. Siyempre, gusto namin na maging maganda ang eksena at hindi lumabas ’yung awkwardness namin. It helped, ’yung nag-usap kami, lumabas na maganda at mainit gaya nang hinihingi ng sitwasyon. At hindi nahalata ang nerbiyos namin,” say ng magandang artista na natatawa dahil akala niya ay solo lang niya ang kaba.
Ngayon ang mga sususod nilang love scenes ay hindi na gaanong magiging mahirap.
Cristine dumaan sa maraming test
Kung ganyang hindi pala matukoy ng ospital na pinagdalhan kay Cristine Reyes kung ano ang sakit niya kahit marami ng test ang ginawa sa kanya, pagbigyan niya ang kanyang ina na madala siya sa isang albularyo. Wala namang mawawala sa kanya, kailangan lamang ay maniwala siyang gagaling siya.
Ang dami ko nang nakitang napagaling ng isang manggagamot na nakukulam, nababati (ng mga ispiritu), at nanu-nuno sa punso. Maraming makabagong tao ang hindi naniniwala rito pero siya rin baka magulat kapag napagaling siya sa kung anumang sakit na kanyang nararamdaman, lalo’t ang lokasyon na ginagamit nila sa Reputasyon ay mga liblib na lugar.
Lani Mercado bawal sa screening ng teleserye ni Jolo
Bakit naman kaya kailangan pang pagbawalan ng GMA si Rep. Lani Mercado na dumalo sa screening ng My Binondo Girl na magaganap bukas sa The Block ng SM North EDSA? Dahil ba kasama ito sa Amaya na makakatapat nang pagpapalabas ng serye ni Jolo Revilla sa Dos na isa sa tatlong leading man ni Kim Chiu sa serye? Tuloy ang dapat na friendly competition lang ng mag-ina ay nalalagyan ng kulay.
Buhay ni Marcelito ikukuwento sa MMK
Maganda ang life story ni Marcelito Pamoy, ang ikalawang grand winner ng Pilipinas Got Talent, kaya nga naisip ng ABS-CBN na ang buhay niya ay gawing episode bukas sa Maalaala Mo Kaya.
Si JM de Guzman, fresh from the success of the recently-concluded Mula sa Puso, ang gaganap ng role ni Marcelito sa direksiyon ni Erick M. Reyes.