Paris Hilton tanggap na inisnab ni P-Noy

Napakababaw naman pala ng kaligayahan ng hotel heiress na si Paris Hilton. Nakatutuwang nagugustuhan niya ang mga bagay na Pinoy, tulad ng pag-aayos sa kanya at pagdadamit ng mga Pinoy stylists and designers. Pati ugaling Pilipino ay madali niyang napakibagayan.

Bukod sa pagpunta rito para gawan ng disenyo ang isang beach resort, maraming alok na tinatanggap ang magandang bisita na ang lahat ay inilalagay niya sa kanyang Twitter account kaya nababasa at nai-enjoy ng lahat.

Sa malas, talagang negosyo lamang ang ipinunta rito ng mayamang dalaga. Ewan ko lang kung maiisip niya ito kung hindi niya naging kaibigan ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao na nai-dinner na siya at nabigyan pa ng Manny Pacquiao doll bilang regalo.

Okay lang sa kanya ang tila pagwawalang bahala ng Palasyo na maimbitahan siya, para makapag-courtesy call man lamang.

Maraming uzi (usisero) na sosi at maging ’yung mga middle class ang dumayo ng SM Megamall, hindi lamang para makita ang maraming sosing handbags and accessories na nagtataglay ng kanyang pangalan na on sale kundi para lang makita lamang siya.

Fil-Canadian singer na mukhang black American hataw ang career sa Canada

Akala ko talaga egoy siya (term ng marami sa mga black American soul singers). Medyo dark siya sa karaniwang Pinoy, nakahila ang buhok sa tutok ng kanyang anit in a pony tail that gave her a cleaner look.

Hindi rin siya marunong mag-Tagalog kaya talagang mapagkakamalan mo siyang egoy until malaman mo sa isang mas mahabang interview na Pinoy siya, anak ng mga magulang na parehong Ilokano — ang ina ay taga-Ilocos Norte at ang ama naman ay mula sa Baguio. Sa Canada siya isinilang at 13 taong nang namumuhay dun ng masaya at kompor­table.

Siya si Ethel Rose Amistad, Vancouver, Ca­nada’s Singing Sweetheart. Kaga-graduate lamang niya sa elementarya at bago magsimula ng high school ay nagpasyang magbakasyon sa bansa. Tatlong taon lamang siya nang huling magbakasyon dito.

Bukod sa gusto niya muling masilayan ang Pilipinas, sasamantalahin na rin niya na mai-promote rito ang isang album na ginawa niya sa Canada.

A Life Story ang pamagat ng album na nagtatampok ng mga awitin tungkol sa mga aspeto ng buhay. Lahat ng kanta ay orihinal, kinompos para sa kanya ng kanyang manager na siya ring nag-produce ng album, si Ramil Ammasura na dating voice teacher.

Si Ethel Rose ang pinakauna niyang tinuturuan sa ilalim ng kanyang Ecclesiastes Entertainment. May anim pang iba pero kay Ethel Rose muna siya nakatuon dahil meron na nga itong album na bago ito ay sumali at nagwagi na ito sa mga malalaking singing contests sa Canada na ang pinakahuli ay ang  pagtsa-champion sa Pinoy News Today Idol, ang counterpart ng American Idol sa Canada.

Marami siyang tinalo sa nasabing paligsahan na nagbigay sa kanya ng ibayong kasikatan at nagtampok sa kanya sa ilang mga solo concerts at front act sa mga concerts. Bumebenta na rin ng mahigit 7,000 kopya ang kanyang album sa digital download sa iTunes.

Nakapag-radio tour na siya (DZBB, Radio Cinco, 103.5 WOW FM, DZMM) at napanood sa nga programang Walang Tulugan (GMA 7), Music Uplate o MU Live  (ABS CBN), at Medyo Late Night with Jojo A. All the Way (TV5).

Ipagpapatuloy ni Ethel Rose ang kanyang radio tours at magkakaroon ng album promo tour sa halos lahat ng SM Malls. Nakatakda rin siyang magkaroon ng mini concert sa Lemery, Batangas at sa iba.

Jackielou kabado sa stage musical

Isa ako sa tuwang-tuwa na binalikan ni Jackielou Blanco hindi lamang ang kanyang pag-aartista kundi maging ang pagkanta niya. Bukod sa napakaraming teleserye na ginagampanan niya sa GMA 7 ngayon, mapapanood pa rin sa isang musical na ipoprodyus ng Atlantis Production, ang In the Heights, kasama sina Nyoy Volante at K-La, finalist sa isang singing contest na itina­guyod ng ABS-CBN na pinanalunan ni Angeline Quinto. Mapapanood ito sa Sept. 2 sa RCBC Plaza, Makati City.

Campus models hinahanap

Nagsimula na ang regional searches ng Olive-C Campus Model para makapamili ang Psalmstre Enterprises, Inc. ng mga estudyanteng makakasama sa kanilang nationwide search sa taong 2012.

Si Ms. Philippines-Earth 2007 Jean Harn ang nag-host ng grand finals ng Mr. & Ms. Olive-C Campus Model Regional Search — Rizal na ginanap sa Event Center ng SM Taytay nung Aug. 14.

Kabilang sa mga hurado ng espesyal na pagtatanghal ay ang mga modelo ng CREWorks Asia na sina Rodge Leo Valdez at Je-ann Finuliar, kasama na rin si Mr. & Ms. Olive-C Campus Model 2010 Female Grand Winner Muriel Adrienne Orais na siya ring Ms. Philippines-Water 2011. Nanalo bilang Mr. and Miss Olive-C Rizal sina Nathaniel Joseph Blas at Abbygale Monderin. Naging 1st runner-up naman sina Roland John Torres at Micaella Driz, samantalang 2nd runner-up sina Romar Navato at Rohama Rearte.

Ang natatanging pageant ay hatid ng Psalmstre Enterprises, Inc. sa pasimuno ng presidente at CEO nito na si Mr. Jaime V. Acosta. 

Para sa iba pang detalye, tumawag sa telepono bilang 669-1434 o i-check ang Olive-C sa facebook at sa www.creworks-asia.com.

Show comments