MANILA, Philippines - Naging madali para sa contestants ng The Biggest Loser Pinoy Edition na iboto si Andy Gomez de Liano ngayong linggo matapos tahasang sinabi ng wildcard contestant na nais niyang matupad ang pangako sa girlfriend na makasama ito sa kanyang kaarawan.
“Tahimik lang ako buong linggo dahil iniisip ko kung tutuparin ko ba ang pangako ko. Nakapagdesisyon na akong tuparin ito. Handa na akong iiwan ang camp. Mas kailangan ng iba ang camp kaysa sa akin,” sabi ni Andy sa isinagawang deliberasyon.
Sa kanyang pamamalagi sa camp, pumayat si Andy ng 53 pounds at may timbang na ngayong 221 pounds mula 274 pounds. Bagamat wala na sa kumpetisyon, plano niya pa ring ituloy ang kanyang araw-araw na pag-e-ehersisyo at gawin ang lahat ng natutunan sa loob ng camp.
“Mas masaya na talaga ako ngayon dahil mas magaan na ako,” sambit ni Andy.
Para kay Andy, ang kasamang wildcard contestant na si Leigh ang napipisil na mananalo bilang unang Pinoy Biggest Loser.
“Pinakakailangan ni Leigh ang tagumpay sa kumpetisyong ito para mapatunayan sa lahat na ang isang matabang babae na walang gaanong athletic background ay kayang magbawas ng timbang,” sabi niya.
Mas matindi na nga ang mga hamon sa BL camp at ngayong linggo, kinakailangang makapagbawas ang buong grupo ng timbang na 50 pounds pagdating ng weigh in na walang tulong mula sa trainers.
Kinakailangan nilang mag-bisikleta ng walong oras at manapanatili ang bilis na dadagdag kada dalawang oras. Kayanin kaya ng contestants ang challenge?
Makikilala rin nila ang paralympians - dalawang runners at isang bowler na may tig-isa lang na braso at isang swimmer na walang binti. Sasamahan sila sa isang challenge na tutulong sa iba pang paralympians at magbibigay sa contestants ng pagkakataon na malaman ang kanilang nakokolektang timbang.
Manood ng The Biggest Loser Pinoy Edition, gabi-gabi pagkatapos ng Minsan Lang Kita Iibigin sa ABS-CBN.