Viva inunahan ang tatlong network kay Carlo J.

Mabuti naman at bago siya naging exclusive sa Viva ay nagawan na ng mga serye ng ilang mga networks ang mga sikat na nobela ni Carlo J. Caparas. Ngayon kasi wala na silang pagkakataon pa na makagamit isa man sa 800 nobela na naisulat ng itinuturing na Hari ng Komiks dahil 50 dito ay kinuha na ng Viva at isasalin kundi man sa pelikula ay sa telebisyon naman.

Bukod sa pagbibigay sa Viva ng eksklusibong paggamit sa 50 nobela ni Carlo, magiging kasosyo pa rin ang asawa niyang si Donna Villa sa paggawa ng mga pelikula at palabas sa TV.

Ilan sa mga obra ni Carlo na uunahing gawing pelikula o palabas sa TV at ang mga artista na binabalak niyang gawing bida sa mga ito ay ang Rosenda na unang pinagbidahan na ni Janice de Belen pero gagawin ngayon ni Sarah Geronimo; Maestro, Dingdong Dantes; Lumuhod Ka Sa Lupa, Robin Padilla; Angela Markado, Sam Pinto; God Save Men, Gabby Concepcion; Tasya Fantasya, Anne Curtis; Jacoba, Vice Ganda; Paano Hahatiin ang Puso, Aga Muhlach; Dalawang Kagat sa Mansanas, Cristine Re­yes; at Dugong Buhay, Bong at Jolo Revilla.

Cita Astals kumikita na kay Isko

Pinakatanggi-tanggihan ni Ma­­nila Vice Mayor Francisco “Isko” Moreno ang ta­guring “Lalaking Nora Aunor” na tina­wag sa kanya ng ilang kaibigan sa entertainment press na nakatsikahan niya sa isang hapunan recently. There was a time, during his younger years na ikinumpara siya sa Superstar dahilan sa kanyang payak na pinagmulan, ang kanyang ordinaryong hitsura na hindi mukhang artistahin, ang pagsisikap niyang makilala bilang isang artista, at ang ipinamalas niyang kagalingan sa pag-arte.

Pero nanghimasok ang kapalaran, hindi niya na­ra­ting ang kasukdulang inabot ni Nora bilang artista pero unti-unti naman siyang nagpapamalas ngayon ng husay at katapatan sa pagiging isang lingkod bayan o sa mas popular na tawag na pulitiko.

Sayang nga at ngayong nalalapit na siya sa kanyang pinapangarap na tagumpay sa kanyang pinagsasanayang mundo ng pulitika at saka naman naglilitawan ang mga galamay ng ilang tao na balak hadlangan ng kanyang pangarap.

Ang Lalaking Nora Aunor would rather be called Cinderella Boy minus the stepmother and stepsisters. Paunti-unti nakakaangat na siya sa kanyang kinalakhang kahirapan. Maski naman nung kasama siya sa programang That’s Entertainment ay hindi siya nakuntento na makita lamang sa harap ng kamera. Tumulong siya kahit walang bayad sa produksiyon, madalas pati pagbibigay ng pagkain sa mga kasama niya ay ginagawa niya.

Hindi nakapagtataka na nang maging konsehal siya ng Maynila ay hindi siya nakuntento sa maliit na kaalaman niya sa pamamahala sa gobyerno. He sought further knowledge at bago pa malaman ng lahat, nakatapos na siya ng pag-aaral.

Walang Manilenyo kang kariringgan ng reklamo sa trabaho, katapatan, at kasipagan ng matikas, at kabataang katulong ni Mayor Alfredo Lim sa pamamahala ng lungsod. Maski ang hindi pinapansing si Cita Astals ay binigyan niya ng mapapagkitaan, bilang consultant niya.

“Kung ako ’yung nasa kalagayan niya, sino ang tutulong sa akin? Naalala ko ang paghihirap ng nanay at tatay ko, literally sa basurahan din kami naghanap ng ikabubuhay noon,” sabi niya sabay papuri sa mga kapwa niya artista sa Manila na gumawi rin sa pulitika at maganda ang performance.

Pero kung si Nora ay paborito niyang artistang babae, sa lalaki ay kay John Lloyd Cruz siya hangang hanga. “Pinapanood ko lahat ng movies niya. He reminds me of Dindo Fernando,” sabi niya.

Marami pang pagdadaanang hirap ang kabataang lingkod bayan ng Maynila.

Pero alam niyang all work and no play will make his life and work a dull one kaya kung may opportunity, nag-aartista pa rin siya.

Libre ba siya o sumisingil din? Kung may TF, magkano naman?

“Siyempre naman may bayad. Kapag tinatanong nila kung magkano ko sila sisingilin, balik tanong ko sa kanila ay ‘Sa tingin ninyo, magkano ako?’” sabay malakas na tawa niya.

Show comments