Blusang Itim nagwawagi hanggang sa huli

MANILA, Philippines - Tiyak na aabangan ng mga manonood ang kapana-panabik na eksena sa finale ng Blusang Itim ngayong Biyernes (August 12) sa Dramarama sa Hapon ng GMA 7. Simula noong Mayo, napatunayang top-rater ang programang ito na pinagbibidahan nina Kylie Padilla, Frank Magalona, Carl Guevara at Winwyn Marquez.

Ngayong nabunyag na ang lihim ng mahiwagang blusa, sinisiguro nina Cleo (Winwyn) at Esme­ralda (Jackielou Blanco) na hindi liligaya si Jessa (Kylie) kailanman.

Inaangkin ni Cleo ang blusa at gumaganti naman si Esmeralda sa mga tunay na magulang ni Jessa na sina Rhea (Rita Avila) at Gerald (Gary Estrada).

Maging ang kapatid ni Jessa na si Alison (An­drea Torres) ay nananatiling malupit sa kanya dahil sa selos na nararamdaman nito.

Ipinakukulong pa niya ang bida kaugnay sa pagkamatay ni Edward (Lucho Ayala).

Magiging masaya pa kaya si Jessa kung wala na sa kanya ang blusang itim? Sino ang tunay na nagmamahal sa kanya - si Melchor (Carl), ang matalik niyang kaibigan, o si Angelo (Frank), ang lalaking kanyang pinapangarap? Matatanggap pa ba siya ng kanyang pamilya at ng ibang tao?

Panoorin ang huling yugto ng Blusang Itim, pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA 7.

Show comments