Sa maniwala kayo’t sa hindi, kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon ng kanyang solo concert ang premyadong Cebuana singer na si Dulce. At kung hindi lamang magdiriwang siya ng kanyang ika-50 taong kaarawan ay baka hindi pa niya tatanggapin ang alok ni Rose Santiago at Jo Arboleda na ipagprodyus siya ng isang malaking concert na kumpleto dahil kasama ang Big AMP Band na kinukumpasan ni Mel Villena.
Feel na feel ni Dulce ang isang full band kesa kung minus one lang. Magiging panauhin niya sina Pilita Corrales at Jed Madela.
Paboritong singer ng producer si Dulce. Ganun din si Barbra Streisand. At mananatili na lamang siyang isang tagahanga na makukuntento na lamang na makita si Dulce from afar until she saw Barbra’s One Voice concert at napagpasyahan niya na sa isang ganung palabas din niya gustong mapanood si Dulce.
“Matapos ang mahaba at maraming taon na hindi pagkakaroon ng solo concert, finally, sumuko na ako. I believe talagang ipinadala na sa akin ni Lord ang producer ng concert ko. Kailangan ko na nga sigurong ibahagi ito sa pamamagitan ng isang magandang palabas,” anang mahusay na singer na naniniwalang inabot na niya ang tagumpay.
“Nagkaroon na ako ng maraming oportunidad na makapag-perform sa abroad pero naniniwala ako na sa Pilipinas ang aking calling. Dito Niya ako itinakda para magpasaya ng tao.
“Dati ay ilulunsad na sana ako bilang Donna Summer ng Asya. Hindi nangyari. Nagkaroon din ng pilian sa pagitan namin ni Sheena Easton para ilunsad ng big time, mas pinili siya. Na-feature na rin ako sa Billboard na isang malaki at mahalagang publication for musicians and singers. Dahil dito marami ang naging interesado sa akin. Marami ang gustong kumuha sa akin pero sabi ko nga wala sa abroad ang tagumpay ko, andito sa Pilipinas,” dagdag pa ni Dulce na sa kabila ng matagal na panahon na pagiging singer ay hindi pa rin kumukupas ang ganda ng boses.
Ang kanyang birthday concert na ididirihe ni Koko Jimenez ay may pamagat na La Dulce Diva at magaganap sa Music Museum sa Aug. 27.
Magsisilbing repertoire niya ang kanyang classic song na Ako ang Nagwagi, Maureen McGovern Medley, Broadway hits, OPM classics at ang bersiyon niya ng Maalaala Mo Kaya.
Sheena ‘di pa rin sure kay Rocco
Hindi pa talaga buo sa isip ni Sheena Halili kung makikipagrelasyon na siya. Meron silang friendship ni Rocco Nacino ngayon na ipinalalagay ng lahat ay more than friendship pero ipinagpipilitan niyang isang getting to know each other pa rin ito.
“Hindi ko nga alam kung nanliligaw siya or what but I admit that we go out. ’Yun ang mahirap sa trabaho namin, pati ‘yung mga dapat na personal ay nagiging showbiz. Hindi ko tuloy malaman kung dapat ko bang seryosohin o hindi. Ayoko namang maulit ’yung nangyari sa amin ni Rainier (Castillo) na dahil may ka-love team siya, ako pa ang nasabihan ng hindi maganda, na nang-aagaw. Masakit ’yun ha?!” sabi ng Kapuso star.
Emmanuelle wala pa ring ka-loveteam
Sayang at hanggang ngayon ay hindi pa napapangatawanan ng abs-cbn ang sinasabi nilang pagla-love team kina Neil Coleta at Emmanuelle Vera sa 100 Days To Heaven. Matagal na itong inaabangan ng mga viewers ng nasabing serye na kung saan naman ay bumabawi si emmanuelle sa kanyang kontrabida role sa Idol.
Mabait siyang kapatid nina Dominic Ochoa at Rafael Rosell, lalo na sa huli. Hindi rin niya tinatarayan ang sinuman sa dalawa niyang hilaw na sisters-in-law na sina Jodi Sta. Maria at Jewel Mische. Obviously, mas kiling siya kay Jodi para sa character ni Rafael at minsan ay nagkita na sila ni Neil na nagkainteres sa kanya. Kung kailan naman sila bibigyan ng sarili nilang romansa ang siyang pinakahihintay ng lahat.
Mikael May Pinagsisisihan
Kung si Emmanuelle Vera ang bet ng Kapamilya Network for stardom, si Mikael Daez naman ang pambato ng Kapuso Network. Isang baguhang aktor si Mikael na nagsisisi na hindi niya pinagbutihan ang kanyang paglalaro ng basketball. Kung naging mas pasensiyoso pa siya ay baka kasama pa siya ngayon sa national team, tulad din ng isa pang taga-Ateneo na nag-showbiz din at nagtatagumpay bilang isang TV host na si Chris Tiu.
Fortunately for Mikael sa pelikula siya unang nasabak, sa Temptation Island, at nadala siya ng tagumpay nito sa isang mas mataas na kalalagyan. Kasama rin siya sa seryeng Amaya ng GMA7 na pinagbibidahan ni Marian Rivera.
Bagama’t hindi niya ikinatutuwa ang mga maagang intriga at kontrobersiya na kinasasangkutan niya ngayon, tinatanggap na lamang niya ang mga ito bilang bahagi ng kanyang trabaho.
“Mahalaga lang naman is for me to overcome these. Bahagi ito ng trabaho ko. What is important is for me to give my best I’m still new in the business, please give me more time,” pakiusap niya.