Makikita sa bio ni Anne Curtis sa kanyang Twitter account na siya ang Princess of All Media. Isang title na bago sa pandinig ng lahat dahil wala pang may hawak nito sa mundo ng showbiz.
Marami ang nagtatanong kung paano nga ba ito nagsimula at ito na rin kaya ang kanyang opisyal na titulo ngayon? “This title that they gave me, mga followers ko, ’yung Princess of All Media, nakakatuwa siyempre it all happened noong nag-cross over na ako as recording artist. It’s so nice to hear that people giving you that title. Kayo ang bahala kung ano ang gusto ninyo, kung gusto n’yo nga diva okay lang,” natatawang pahayag ni Anne.
Si Kris Aquino ang kasalukuyang tinatawag na Queen of All Media.
Regalong kuwintas ni Coco hindi na hinuhubad ni Angeline
Sa Aug. 17 ay mapapanood na ang pelikulang Way Back Home na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Julia Montes. Masaya si Angeline Quinto dahil siya ang napiling kumanta ng movie theme ng nasabing pelikula.
Gumawa ang baguhang singer ng sariling version niya ng kantang You’re My Home ni Lea Salonga. Hindi naging madali para kay Angeline ang pagre-record para sa nasabing project.
“Para sa akin kasi ’di po ako masyadong kumakanta ng English. Pero maganda ’yung kanta eh, kaya kahit paano nabigyan ng magandang feelings,” pagtatapat ni Angeline.
Samantala, ngayon ay lagi pa ring suot ng singer ang kuwintas na iniregalo sa kanya ni Coco Martin noong concert niya kamakailan. Aminado kasi si Angeline na sobrang crush niya ang aktor at kinikilig talaga siya.
“Simula talaga noon, hindi ko pa siya tinatanggal kasi sa totoo po, gusto ko po talagang bumili para sa sarili ko ng kuwintas na may cross, pero naghahanap pa ako ng mura kasi ang mamahal ng mga napagtanungan ko. ’Yun dapat ang gusto kong regalo ko sa sarili ko ngayong November sa birthday ko eh napaaga, si Coco pa ang nagbigay,” nakangiting kuwento pa ni Angeline.
Toni Excited sa mga batang genius
Sa Sept. 3 ay nakatakda nang magsimula ang pinakabagong contest ng Happy Yipee Yehey na Batang Genius. Ngayon pa lamang ay sobrang excited na ang host nitong si Toni Gonzaga.
“Exciting ito kasi marami ring batang kahanga-hanga ang utak pagdating sa pag-aaral at sa general information. ’Yun ang aming bibigyang pugay dito sa bagong segment at masaya kami. This is open to all Grade 5 and 6 students para makipagtagisan ng galing,” maikling pahayag ni Toni. Reports from JAMES C. CANTOS