Iisipin na dahilan sa ang Eastwood na matatagpuan sa Libis sa Quezon City ay isang paboritong puntahan ng mga may pera, magagawang tahimik ang pagbisita dun ng Superstar na si Nora Aunor na naisipang pasyalan ang Walk of Fame na sinimulan at hanggang ngayon ay itinataguyod pa rin ng kanyang kaibigang si German Moreno. Hindi na siguro kailangang banggitin pa na ang star ni Nora ay isa sa mga naunang inilagay sa nasabing lugar.
Hindi mga dayo ’yung nakita kong sumalubong ng buong init sa nagbabalik na artista kundi mga residente ng mga mataas na gusali na siyang tahanan ngayon ng marami sa nasabing lugar. They had with them their children and even their household help na hindi nahadlangan ng dala-dala nilang mga bata para lamang masilayan ang artista na matagal nilang hindi nakita.
Ang pagdalaw ni Nora sa Walk of Fame ay isa sa katuparan ng pangarap ng tinaguriang Master Showman na halos lahat ng nabibigyan niya ng star ay dumalo sa mga ginawa niyang pasinaya o launching, maliban kay Nora na nasa US na nang simulan ang proyekto ilang taon na ang nakararaan.
Masaya si Nora sa parang tribute na ibinibigay ni Kuya Germs sa mga katulad niyang artista na malaki ang ambag hindi lamang sa industriya ng pelikula kundi maging sa local entertainment in general. May star din dun ang archrival niyang si Batangas Gov. Vilma Santos, magkasabay silang binigyan ng star nung unang taon ng Walk of Fame bagama’t hinihintay pa ng Master Showman hanggang ngayon ang pagbisita ng gobernadora sa nasabing lugar. Ngayon ay mahigit 100 artista sa pelikula, TV, recording, at stage ang may pangalan dun.
Juday seryoso sa pagiging kusinera ng pamilya
Hindi lang pala ang mister ni Judy Ann Santos na si Ryan Agoncillo ang nakikinabang sa ginawa nitong pag-aaral ng culinary arts kundi lalo na ang dalawa niyang anak na sina Yohan at Lucho. Siya ang personal na naghahanda nang kakainin ng dalawa. Kung may dapat siyang puntahan na may kinalaman sa kanyang trabaho, ihahanda muna niya ang kakainin at iinuming gatas ng kanyang bunso. Siya na rin ang maghahanda ng baon sa eskuwela ng panganay niya.
Hindi tulad ng TV commercial niya na namomroblema siya sa kakainin ng mga anak niya, maski na ang bunso niyang si Lucho ay sinisimulan na niya sa pagkain ng gulay. Kahit puyat siya dahil may taping the night before, gumigising siya ng maaga para maihanda ang pagkain nila.
Cristine nahihirapang gumising dahil sa reputasyon
Sayang at hindi ako nakadalo sa imbitasyon ng kaibigan kong si Virgie Balatico sa press launch ng Ara Vista Village na matatagpuan sa Gen. Trias, Cavite na itinatayo ng AVV and Picar Development, Inc.
Humingi na lamang ako ng ilang mahalagang impormasyon kay Virgie.
Si Cristine Reyes ang kinuha para mag-endorso ng lugar. At kung susuwertihin ang mga titira dun baka maging kapitbahay pa nila ito.
Very late lang dumating si Cristine sa nasabing press launch kaya hindi nito inabot ang mga inimbitang kagawad ng media. Pero may inabot pa itong ilan. Dahilan ng sexy actress ay napuyat siya sa kanyang taping ng Reputasyon ng nakaraang gabi.
Robin nagkainteres kay Nora
Aba, Noranian din pala si Robin Padilla. Ayon kay Gov. ER Ejercito tinawagan siya nito para ialok ang serbisyo para gampanan ang role ni Andres Bonifacio sa makasaysayang pelikula na ginagawa niya, ang El Presidente. Dahil kay Binoe ay lalo pang lumaki ang cast ng kanyang pelikula na dinidirek ni Tikoy Aguiluz. Kasama sa pelikula at gaganap bilang asawa ni Hen. Emilio Aguinaldo ang nagbabalik na si Nora. I’m sure malaki ang kinalaman ng aktres para gustuhin ni Binoe na mapasama sa pelikula… kahit walang bayad huh!
Kim bantay-sarado kay Jolo
Sa kabila ng kanyang kaabalahan bilang kapitan ng barangay sa kanyang lugar, naisingit din ni Jolo Revilla ang pagpunta sa Hong Kong para makapag-taping ng My Binondo Girl. Siyempre, nagkasama sila dun ng sinasabing apple of his eyes ngayon na si Kim Chiu, ang gumaganap ng title role sa bagong serye ng ABS-CBN.
Dahil sinasabing matinik sa chicks ang anak ng senador at kongresista kung kaya hindi lamang ang kanyang mga fans ang bantay-sarado sa aktres kundi maging ang kanyang handler. Baka nga naman makasingit pa ang aktor kay Kim eh hindi sila sigurado kung mapapangatawanan nito ang kanyang panliligaw sa dalagang artista.