Jillian walang pagod sa kakakuwento kaya binigyan ng Daldakina

Nagsabi ng totoo si Jillian Ward sa tsinikang Daldakina ang next show niya sa GMA 7 after Captain Barbell. Title pa lang, alam na kung ano ang role ng bagets na bukod sa hyper, hindi napapagod sa pagkukuwento. Reunion din nila ito ni direk Don Michael Perez na naging director niya sa Trudis Liit.

Ang Daldakina raw ang ipapalit sa Futbolilits. Sa August 18 na ang storycon at first week ng Sept­ember ang taping at for airing sometime in October.

Makakasama dito ni Jillian sina Ogie Alcasid at Gelli de Belen na gaganap na kanyang mga magulang. Join din sa cast sina Elmo Magalona at Julie Ann San Jose.

JC nagbayad ng sariling fight instructor

Excited at kinakabahan na si JC de Vera dahil September 1 na raw ang pilot sa TV5 ng Utol Kong Hoodlum kung saan makikilala siyang action star.

Pinanood ni JC ang original na Utol Kong Hoodlum when he was five years old at muli niyang napanood sa Cinema One noong 2009. That time, hindi pa rin niya alam na siya ang gagawa ng remake, kaya laking tuwa nang ibigay sa kanya ng TV5 ang project.

“Parang masyado pang maaga na gawan ng remake dahil nasa limelight pa si Robin at nang sa­bihin sa akin, kinabahan talaga ako, pero naniniwala akong nagawa namin ng tama at maayos. Masaya rin ako dahil nabigyan ako ng chance na maging involved sa project. Nakakapag-suggest ako kina direk Topel Lee at Argel Joseph na pinapakinggan at ginagamit nila ‘pag makakaganda sa eksena.”

Kinuha ni JC si Erwin Tagle na personal niyang fight instructor para sa ibang stunts at fight scene gaya ng knife fighting, mayroon ding wrestling at muay thai.

Tiniyak ng actor na ibang JC ang mapapanood sa first action series niya.

Dahil feeling bagets Agot nakilagare na rin sa TV at pelikula

Si Agot Isidro ang gumaganap na ina nina Kathryn Bernardo at Julia Montes sa Star Cinema movie na Way Back Home, showing sa August 17.

Sabi ni Agot, nakaka-bagets makasama ang young stars ng ABS-CBN.

Gaya ni direk Jerry Sineneng, naniniwala rin si Agot na mas sisikat pa sina Kathryn at Julia dahil magaganda na’y, magagaling pang umarte. Ang advice lang niya sa dalawa’y, ‘wag lalaki ang ulo at higitan ang trabaho sa expectation ng tao. “Do the work and do the best you can,” payo nito.

Maganda ang billing ni Agot sa Way Back Home na ikatutuwa ng manager niyang si Shirley Kuan. May next movie na rin ito dahil kasama siya sa My Househusband ng OctoArts Films.

Ayaw sana nitong pagsabayin ang movie at soap dahil nagti-taping siya ng Nasaan Si Elisa, pero ‘di nakatanggi nang malamang si Joey Reyes ang director at makakasama niya sina Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos.

Ang laki ng hawig ni Andrea Torres kay Ciara Sotto at lalo siyang napagkakamalang si Ciara ‘pag kasama niya ang husband nitong  si Jojo Oconer na kanyang manager.

First soap ni Andrea ang Blusang Itim at kontrabida agad ang kanyang role. Ayaw sana niyang magkontrabida, pero nabasa ang script ng soap, nagustuhan ang role niya at may rason ang pagiging bad girl niya.

Rajo Laurel gustong damitan ang superstar

Nabasa namin ang tweet ni Rajo Laurel : “Offering to the Nora Aunor my services! I want to dress the true Superstar!”

Nabasa kaya ito ng mga taga-TV5? Hindi na sila mahihirapang hanapan ng designer si Nora para sa kanyang mini-series at ibang commitment habang naririto dahil may nag-offer nang bihisan siya.

Show comments