Sa kanilang unang pagbibida sa pelikula, isang kuwento tungkol sa magkapatid na ginawa sa enggrandeng tradisyon ng paghahatid ng mga de kalidad na dramang pampamilya ang ipinagkatiwala ng Star Cinema kina Kathryn Bernardo at Julia Montes, unang kinakitaan hindi lamang ng galing sa pag-arte kundi ng malakas na hatak sa mga manonood sa pamamagitan ng seryeng Mara Clara.
Ang dalawang kabataang aktres ay gumaganap bilang magkapatid na sina Jessica (Julia) at Joanna (Kathryn) Santiago na nagkahiwalay nung apat na taong gulang lamang si Joanna. Nawala ito habang nasa bakasyon sila. Isisisi ng kanilang inang si Amelia (Agot Isidro) ang pagkawala ni Joanna kay Jessica. Ang susunod na 12 taon ay gugugulin ng pamilya sa paghahanap sa nawawala na kinupkop pala ng isang mag-asawa na bagama’t simple lamang ang buhay ay minahal si Joanna na pinangalanan nilang Ana.
Teenager na ang magkapatid sa kanilang pagkikitang muli. Sa pagbabalik ni Ana sa hindi nakalakihang pamilya, pagtutuunan siya ng pansin ni Amelia para makabawi sa mahabang panahon na pagkawala nito. Tatangkain ng pamilya na maayos ang kanilang relasyon.
Lahat ng kasamahan ng dalawa sa kanilang pelikulang Way Back Home magmula sa kanilang direktor na si Jerry Lopez Sineneng ay buong pagmamalaking nagsasabi na nakapasa ang dalawang dalaga sa kanyang standard na sinabi ng lahat na lubhang napakataas.
“Kahit anong ibato mo sa kanila na-a-absorb nila. Napaka-passionate nila about the project,” sabi ni Direk Jerry na nakikita sina Judy Ann Santos at Claudine Barretto sa dalawa.
Tungkol naman sa dalawang kabataang lalaking aktor na nakuha para makapareha ng dalawa, sinabi nito na wala siyang maipipintas kay Sam Concepcion na gaganap bilang kapareha ni Julia.
“Lumaki siya sa teatro, matalino, at guwapo, ngayon pa lamang ay nagpapamalas na siya ng kagalingan sa pag-arte. Kay AJ Perez unang na-assign ang kanyang role pero namatay ito. Bilang tribute sa young actor, AJ ang pangalan ng character na ginagampanan ni Sam sa movie. Si Enrique Gil naman, kahit na hindi siya ang orihinal na pinili para makapareha ni Kathryn ay isang very good replacement. Sa unang pagsasalang ko sa kanila ay agad nakita ko na may chemistry sila,” dagdag pa ni Direk Jerry.
Si Agot na matagal na ring hindi nakakagawa ng pelikula ay agad tinanggap ang kanyang role dahil maganda ang project at gusto niyang makatrabaho ang dalawa na sinabi niyang “brilliant actresses.”
Nakikita ko ang dedikasyon nila sa kanilang trabaho. The hours are long but the hard work is there,” sabi ng aktres.
Hindi ang love team ang ibinibenta sa pelikula kundi ang istorya nito. Pinipilit nga na i-link ang dalawang pareha pero sa trabaho nila sila in love.
Being new and being paired for the first time, kakailanganin pa ng dalawang pareha na lubusang makilala ang isa’t isa pero dahilan sa kanilang kabataan, mabilis silang nakakapag-adjust. Hindi pa sila the best of friends ngayon pero papunta na sila run.
Kung may pressure sa pelikula, pinakamalakas ang nararamdaman nina Kathryn at Julia dahil alam nila na sa kanila nakasalalay ang kahihinatnan ng pelikula.
“Ako, nananalig na maganda ang movie namin. Ibinigay ng dalawang kabataang aktres ang lahat ng kakayahan nila. Tulad ng sa Mara Clara, andun pa rin ang ganda ng tandem nila. I-enjoy na natin ang tandem nila dahil soon, feeling ko, magiging pinakamahigpit silang magkaribal,” paniniyak ni Direk Jerry.
Sa Agosto 17 na ipalalabas ang Way Back Home sa mga sinehan.
Kadukhaan ni Maricel Soriano ipinagtanggol ni Direk Wenn
Hindi naniniwala si Direk Wenn Deramas na magagawa ng best friend niyang si Maricel Soriano ang ibinibintang dito ng mga naging katulong niya.
“Puwede sigurong may talak pero ’yung mang-umbag ito o manutok ng baril, hindi ako naniniwala,” iling nito.
Paano kung under the influence of drugs ang BFF niya?
“Para namang malayo na maging adik siya. Hindi naman nanunuyo ang kanyang balat. Sabi n’yo baka depressed? Sino naman ang hindi sa panahong ito? Hindi rin ako naniniwala na wala siyang pera. May isa kaming kaibigan na babae na nangailangan ng napakalaking halaga, hindi birong halaga, pero nagawa niyang tulungan. Hindi siya poor. May isa siyang bahay na ibinenta pero baka naman kako nararamihan na siya sa bahay niya o baka naman gusto niyang bumili ng mas malaki.
“Kinausap ko nga si Boss Vic (del Rosario) ng Viva Films dahil may gagawin kaming pelikula sa kanila ni Marya pero nasa Europe ito ngayon, ganun ba ang dukha?
“Nagtataka lang ako bakit sabay-sabay ang isyu kay Marya? Pakiramdam ko may gusto lang sumira sa kanya pero bakit?” muling tanong ni Direk Wenn.
Nora trabaho to death sa tatlong buwan
Nais sumingit ni Mother Lily Monteverde sa napakaabalang sked ni Nora Aunor. Nais niyang gawin nito para sa Regal Entertainment, Inc. ang Hototay, isa sa pang-Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng kanyang kumpanya.
Nabanggit na ni Nora ang posibilidad na baka makagawa ito ng pelikula sa Regal. Tatlong buwan naman siyang mananatili dito.